Sasagupain ngayon ng Phone Pals ang mapanganib na San Miguel Beer sa pambungad na laro sa ganap na alas-4:45 ng hapon na susundan ng sagupaan ng Alaska at Sta. Lucia sa alas-7:35 ng gabi.
Sa kasalukuyan, 12-panalo ang kailangan para makasiguro sa top-two na mabibiyayaan ng outright semis slot at ito ang hinahabol ng Phone Pals gayundin ng Aces at Beermen na tabla sa 9-6 win-loss slate.
Lalaro ang Talk N Text na hindi pa rin kasama si Jimmy Alapag na nana-natili pa ring suspendido hanggat hindi nakakapagpasa ng hinihinging dokumento ng PBA.
Sa likod ng pagkawala ni Alapag na malaking epekto sa kanilang mga play, nagawang magtagumpay ng Phone Pals laban sa Shell noong Biyernes, 84-71.
Sa tulong ni import Jerald Honeycutt, sisikapin ng Phone Pals na sundan ang naturang tagumpay upang makabawi sa kanilang 92-103 kabiguan kontra sa Beermen sa kanilang unang pagkikita noong Marso 20 kung saan kasama pa nila noon si import Earl Ike.
Hangad din ng Alaska at ng San Miguel na palakasin ang kanilang kontensiyon sa awtomatikong semifinal slot.
Galing ang Beermen sa 95-84 panalo laban sa Shell na nagbangon sa kanila mula sa dalawang sunod na kabiguan.
Sa taglay na 8-7 record, halos may pag-asa pa ang Sta. Lucia sa awtomatikong semis slot at nais nilang hatakin sa apat na sunod na panalo ang kanilang winning streak upang palakihin ang kanilang pag-asa o kung hindi man ay tumatag ang kapit sa no. 3 at 4 slot na may twice-to-beat advantage sa wild card phase.
Samantala, muling nabigyan ng pagkakataon si Gerard Francisco na ipagpatuloy ang kanyang basketball career nang papirmahin ito ng isang taong kontrata ng Coca-Cola. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)