Abay sino ang mag-aakalang sa kabila ng pagkawala ng tig-apat na manlalaro ay magwawagi pa ang Purefoods Tender Juicy Hotdogs at Barangay Ginebra kontra sa magkahiwalay na kalaban nitong mga nakaraang playdates?
Noong Miyerkules ay naungusan ng Hotdogs ang Talk N Text, 88-85. Kinabukasan ay nasingitan ng Gin Kings ang San Miguel Beer, 78-74 sa kanilang laban sa Lucena City.
E, anong nakakagulat doon?
Ang nakakagulat ay ang pangyayaring hindi nakapaglaro sa panig ng Hotdogs sina Kerby Raymundo, Michael Hrabak at Tonyboy Espinosa dahil may injuries at si Jun Limpot na suspindido ng isang game dahil sa pakikipag-away kay Migs Noble ng Gin Kings sa kanilang laro sa Puerto Princesa noong nakaraang Sabado.
Sa panig ng Gin Kings, bukod kay Noble na suspendido dahil sa away, suspindido din sina Eric Menk, Andy Seigle at James Walkvist na hindi pa nakapagsumite ng mga dokumento hinggil sa kanilang citizenship.
Kaya nakakabilib na nanalo pa ang Hotdogs at Gin Kings.
Siguro, masasabing kahit paanoy nahirapan ang Phone Pals dahil hindi nga rin nakapaglaro ang lead point guard na si Jimmy Alapag na hindi pa rin nakapagsumite ng mga dokumento niya. Kahit paanoy malaking bagay si Alapag lalot ikukunsidera na ang point guard ay itinuturing na extension ng coach.
Pero pinilit naman nina Felix Belano at Patrick Fran na punan ang pagkawalang ito at magandang mga numero din ang naisumite nila. Ang sistey hindi nasamantala ng malalaking tao ng Talk N Text ang pagkawala ng malalaking tao ng Purefoods.
Sa panig naman ng San Miguel, abay tila nagkumpiyansa ang Beermen at baka inisip nilang tutukod din naman ang Gin Kings sa dakong huli.
Rumatsada kaagad ang Barangay Ginebra sa pangunguna ni Rommel Adducul na nabigyan ng mahabang playing time. Nakalayo kaagad ang Gin Kings at nahirapan na makahabol ang Beermen.
Bukod sa pagsingasing ni Adducul na napabalitang nagsisintir dahil sa ikli ng kanyang playing, kapuna-puna rin na pinahirapan ng Gin Kings si Danny Seigle. Frustrated na frustrated si Seigle sa tuwing masusundutan siya.
At siyempre, ang credit ditoy mapupunta kay coach Bethune Tanquingcen na dating assistant ni Jong Uichico sa San Miguel. Siguroy kabisado ni Tanquingcen kung paanong dedepensahan si Seigle kung kayat hindi kaagad nakapamayagpag ang Fil-Am na ito. Nasira ang kanyang rhythm at huli na nang makuha niya ang kanyang range.
Ngayong napatid na ang six-game losing streak ng Gin Kings, baka sakaling puwede na silang maniwala ulit sa kanilang sarili.