Sasagupain ngayon ng Phone Pals ang Shell Velocity sa pagpapatuloy ng eliminations ng Gran Matador PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum.
Sa alas-4:45 ng hapong sagupaan ng Talk N Text at Turbo Chargers, may malaking bentahe ang Phone Pals sa pagkawala ng tatlong players ng Shell na kasama sa mga pansamantalang nasuspindi.
Tanging si Jimmy Alapag lamang ang nalagas sa Phone Pals sa desisyon ng PBA na huwag munang paglaruin ang mga Fil-Am na hindi pa nakakapagbigay ng nire-require na dokumento upang i-update ang records ng liga.
Gayunpaman, higit na mas naapektuhan ang Turbo Chargers na lalaro ngayon na wala ang kanilang key player na si Tony dela Cruz kasama sina Chris Jackson at Kalani Ferreria na kabilang sa mga nasuspindi.
Sa ikalawang laro, tangka naman ng TJ Hotdogs na masundan ang kanilang malaking panalo laban sa Phone Pals kamakalawa sa pakikipagharap sa Red Bull sa ikalawang laro, alas-7:35 ng gabi.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Coca-Cola (5-8) at Sta. Lucia (7-7) sa pambungad na laban sa double header na schedule sa Quezon Convention Center sa Lucena City na susundan naman ng sagupaan ng Barangay Ginebra (5-8) at San Miguel Beer (8-5) na tangkang makisalo sa liderato. (Ulat ni CVOchoa)