Nagsilbing inspirasyon ng Aces ang pagkawala ni Cablay na nabalian ng buto sa kanyang kanang kamay sa PBA dual meet ng RP-Team at Sydney Kings kamakalawa upang hatakin ang 96-87 panalo kontra sa Red Bull kagabi sa pag-usad ng eliminations ng Gran Matador PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum.
Kabilang sina Mike Cortez, Jefrrey Cariaso, Joachim Thoss, Willy Wilson, Rob Johnson, Rob Duat at Eugene Tejada sa siyam na manlalarong binigyan ng clearance ng PBA na maglaro kamakalawa bukod pa kina Dorian Peña ng San Miguel at Noy Castillo ng Pure-foods.
Muling bumandera si import Dickey Simpkins sa pagkamada ng 26-puntos at 18 rebounds na sinundan ng 17-puntos ni Mike Cortez tungo sa ikasiyam na panalo ng Aces sa 14-laro na nagbigay sa kanila ng solong ikalawang puwesto habang bumagsak naman ang Barakos sa 6-8 karta.
Samantala, makakapaglaro na si Danny Seigle sa San Miguel matapos bigyan ng clearance ng PBA kahapon kaya 10 sa 20 players na lamang ang nananatiling suspendido hanggang hindi nakakapag-pasa ng hinihinging dokumento ng liga.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyan naglalaban ang league leader na Talk N Text (9-4) at Purefoods (6-7). (Ulat ni Carmela V. Ochoa)