Kahapon iprinisinta ni Taulava kasama ang abogadong si Atty. Eduardo Francisco ang mga dokumento kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Reynaldo Wycoco.
Kabilang sa mga dokumentong isinumite sa NBI ay ang kopya ng birth registration ni Taulava, death registration ng lola ni Asi na si Ana Hernandez Mateaki at ang certification na si Pauline ay nagtungo sa Tonga bilang isang Filipino citizen at sumailalim sa naturalization upang maging Tongan citizen noong Sept. 8, 1976, tatlong taon matapos isilang si Asi noong 1973.
Samantala, sinabi ng Talk N Text kahapon na dapat nang tanggalin ni PBA Commissioner Noli Eala ang suspensyon kay Paul Asi Taulava matapos magsumite ang manlalaro ng mga bagong dokumento mula sa Tonga na nagpapatunay na itoy isang Pilipino.
Ayon kay TNT spokesperson Atty. Ray Espinosa, wala nang duda na Pinoy si Taulava batay sa dokumentong isinumite ni Asi sa National Bureau of Investigation (NBI) kahapon.
Kasama ang kanyang abogadong si Eduardo Francisco, isinumite ni Taulava kay NBI Director Reynaldo Wycoco ang mga bagong dokumento na sinertipikahan ng Ministry of Foreign Affairs ng Tonga bilang opisyal na dokumento nila.
"The PBA Commissioners office, for a long time now, has unjustly denied Taulava his contractual rights to play for TNT, in effect denying him his basic human right to provide for his family," wika ni Atty. Espinosa.
"If the PBA commissioner really adheres to the rule of law as he often stated in his media interviews, then he should allow Taulava to play immediately. Any more delay would work a great injustice on a Filipino citizen," anang TNT spokesperson.
Ayon kay Francisco, handa nang maglaro si Taulava di lang para sa TNT kundi para na rin sa bansa sa 2005 SEA Games na iho-host ng Pilipinas.
Sa kaugnay na balita, tinanggal na ni Jean Henri Lhuillier ang kanilang suporta sa gitna ng kontrobersiyang bumabalot sa Basketball Association of the Philippines at basketball community.
Sa ipinadalang pahayag ni Lhuillier, sinabi nitong nasisiyahan siya at gumawa ng importanteng hakbang ang mga kinauukulan sa Philippine basketball na matagal na niyang panawagan.
Gayunpaman, idiniin pa rin niya na ang pagkakaisa at pagtutulungan lamang ang maaring makatulong sa pag-asenso ng basketball sa ating bansa.
Nagparamdam ang mga beteranong sina Dennis Espino at Kenneth Duremdes upang pamunuan ang Sta. Lucia Realty sa 94-85 panalo laban sa FedEx sa pag-usad ng eliminations ng PBA Gran Matador Fiesta Conference sa Ynares Center sa Antipolo City kagabi.
Tumapos si Espino ng 24-puntos at 14 rebounds habang naghatid naman si Duremdes ng 23 puntos para sa ikaanim na panalo matapos ang 13-laro ng Sta. Lucia na nag-angat sa kanila sa solong ikalimang puwesto.
Layunin naman ng Talk N Text na manatili sa pamumuno at makabawi sa isang nakakahiyang pagkatalo sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Araneta Coliseum.
Haharapin ngayon ng Phone Pals ang Coca-Cola sa tampok na laro, alas-7:35 ng gabi. (Ulat nina Carmela V. Ochoa at Gemma A. Garcia)