8 ginto target ng mga siklista

Walo sa kabuuang 12 gintong medalya ang target ng mga siklistang Pinoy sa 23rd Southeast Asian Games sa Nobyembre 27 hanggang Disyembre 5.

Ipinabatid ni Integrated Cycling Federation of the Philippines (Phil-Cycling) secretary-general Mar Mendoza na nasa kainitan na ng pagsasanay ang kanilang mga siklista na pinamamahalaan ni National head coach Jomel Lorenzo.

"We are targeting eight of 12 gold medals at stake sa 2005 Philippine SEA Games," wika ni Mendoza. "We have a higher confidence level and we are confident that we will get eight gold medals."

Sa Vietnam SEA Games noong 2003, pumadyak ang mga Filipino riders ng isang ginto mula kay Eusebio Quinones (men’s 35-km cross-country), dalawang pilak kina Victor Espiritu (40-km individual time trial) at Warren Davadilla (160-km mass start) at tatlong tansong medalya kina Alfie Catalan (51-km criterium) Frederick Feliciano (35-km cross -country) at Baby Bitbit (25-km cross-country).

Sinabi ni Mendoza na nakakasunod sa kanilang programang inihahanay ang mga national cyclists.

"Iyong preparation nila is as scheduled and as programmed na naga-gawa nila nang tuluy-tuloy, I think our riders will be picking up exactly one month before the competition," sabi ni Mendoza.

Idinagdag ni Mendoza na bukod sa mga beteranong siklista, ilang ba-gong tuklas na atleta rin ang inaasahang papasok sa national team para sa 2005 SEA Games.

"Siyempre, we have to find potential national team members para naman may transition of talents na mangyari," pagtatapos ni Mendoza.

Show comments