Ritualo nanalasa na

Opisyal ng nagpahiwatig ng paghahari ang tinaguriang "The Rainman" noong Biyernes sa Ynares Center sa Antipolo City nang pagbidahan ni Ren Ren Ritualo ang FedEx sa 116-106 panalo laban sa Red Bull Barako.

Sa naturang laban, pinatunayan ng Express na si Ritualo ang kanilang pangunahing tao nang manalasa ito sa PBA record book at itabla ang dalawang record ni Barangay Ginebra team manager Allan Caidic.

Noong nakaraang Biyernes, nag-init si Ritualo sa ikaapat na yugto nang humakot ito ng 27 puntos at banderahan ang Express sa kanilang ikalimang panalo sa 11 asignatura.

Ang kanyang 27 puntos ay tumabla sa ikatlong best one quarter performance na inirehistro ni Caidic sa ikaapat na quarter din ng laro sa pagitan ng Presto at Alaska Milk noong Nobyembre 2, 1989.

Ang pinakamataas na one quarter performance ay hawak pa rin ni Caidic, na kumana ng 37 puntos sa laban ng Presto Tivoli at Ginebra noong Nobyembre 21, 1991. Kasunod nito ang 30 puntos ni Paul Alvarez noong Abril 26, 1990.

Gumawa din si Ritualo ng 9 mula sa 15 pagtatangka sa three-point region. Sa katunayan, nagtala ito ng walong sunod-sunod na tres sa ikaapat na quarter upang itabla din ang record ni Caidic na inire-histro noong Oktubre 15, 1991.

Sa kabuuan, umiskor ng 36 puntos si Ritualo na lamang ng isa sa dati niyang career high.

At dahil sa mahusay na performance niyang ito, napili si Ritualo bilang PBA Press Corps Player of the Week para sa linggo ng Abril 24 hanggang Mayo 1.

Show comments