Sa huling apat na taon, marami nang natulungan ang TBS. Mga player na nawalan ng trabaho, nasaktan, nagkaproblema, at naghahanap ng kanilang puwang sa mundo. May isang kilalang Fil-Am na muling nakalaro matapos ang halos isang taon, dahil nailantad ang kanyang problema. May isang coach na, minsan, apat ang hawak na team, at naglaho lahat, subalit nakabangon muli. Maraming kontrobersyat makapigil-hiningang laro ang nalathala.
Minsan, nagugulat ako sa dami ng klaseng tao na mahilig sa basketbol. May napakita na kaming mga DJ, bangkero, doktor, pulis, bumbero, artista, mayor, mambabatas, bata, matanda, naka-wheelchair, at kung sinu-sino pa. Baka di kayo maniwala, pati dolphin, matsing at elepanteng naglalaro na basketbol, naipalabas na namin.
Marami na rin kaming nadayong lugar. Dito sa Pilipinas, bukod sa Kalakhang Maynila, Pampanga, Tarlac, Pangasinan, Baguio, Laguna, Batangas, Cavite, Subic, Cebu, Bacolod, Davao, Cagayan de Oro at Boracay ay aming nadalaw. Sala-mat sa mga galante naming mga isponsor tulad ng adidas, nakalipad na kami papuntang Los Angeles, Portland, Orlando at Georgia sa US, Shanghai sa China at Bangkok sa Thailand.
Nakapanayam na rin namin ang lahat ng kilalang manlalaro sa Pilpinas. Ang tanging umaayaw ay isang nagtatampong Fil-Am na nagalit dahil naisulat ko na peke ang papeles niya. Wala nang ibang nakalusot.
Pati mga NBA player na sina Tracy McGrady, Yao Ming, Chris Webber, Mike Bibby, Peja Stojakovic, Dikembe Mutombo, Clyde Drexler, Jerry Stackhouse, Eric Snow, Jay Williams, Detlef Schrempf at iba pa ay naging bida sa aming programa.
Ang aming e-group, na sinimulan ng isang high school na fan ay may mahigit 1,000 miyembro.
Gaya ng sinabi ko, malaking dahilan para magdiwang. Balik-tanawan ang inyong mga paborito sa Sabado, alas 3 ng hapon, sa ABC 5.