PBL Unity Cup: Kabataan kontra karanasan

Tiyak na isang matinding sagupaan ang masasaksihan sa laro sa pagitan ng beteranong koponan ng Welcoat at bagitong Harbour Centre sa humihigpit na labanan patungo sa semis ng 2005 PBL Unity Cup sa Pasig Sports Center.

Tabla sa 4-1 win-loss cards, inaasahang ibibigay ng dalawang kopo-nan ang matinding laban sa kanilang paghaharap ngayong alas-4 ng hapon, upang makalapit sa nangungunang ng Montaña Pawnshop.

Inaasahang magiging matindi rin ang labanan na ipapamalas ng Granny Goose Kornets at Toyota Otis-Letran sa kanilang paghaharap mamayang alas-2 ng hapon, lalo pa’t ngayong nais makabawi ng Knights sa kanilang pagkatalo sa Jewels noong nakaraang Sabado.

Ang panalo ng Port Masters sa defending champion na Magnolia Ice Cream noong nakaraang Sabado ay isa sa mga dahilan kung bakit sila ay nanatiling nakakapit sa torneong ito.

Malayo sa average na 27 points ang inilistang 11 puntos ng nangungunang sandata ng Harbour Centre na si Mark Cardona sa nakaraang laban nila.

Bagamat abante sa height at experience ang Welcoat kailangan din nilang ingatan ang sweet shooter na si Jenkins Mesina at LA Tenorio, na isa sa naging dahilan kung bakit nanalo ang Harbour kontra Magnolia.

Isa sa mga dapat nating bantayan sa laban ay ang pagtatagpo nina 6-foot-7 Fil-Am na si Anthony Washington ng Welcoat at rising star ng Harbour na si Gabby Espinas.

Unti-unting pinapatunayan ni Espinas ang husay sa depensa at kailangan pang malaman kung ano pa ang kayang patunayan ng kan-yang mga braso at leaping ability. (Ulat ni R.Reyes)

Show comments