Kasi ngay nandoon pa rin ang tropa ni coach Joseller "Yeng" Guiao sa itaas ng standings bagamat kung tutuusin ay malaki ang inihina nito matapos na mawala sina Davonn Harp at Mick Pennisi na siyang gulugod ng koponan.
Kumbagay nagawa na ni Guiao na mapasakan ang mga butas at makakuha ng mga manlalarong makakatulong upang muling mamayagpag ang Red Bull.
Malaking bagay talaga sina Harp at Pennisi dahil sa ang dalawang ito ang siyang kumokontrol sa rebounds. Pumupuntos din naman silang dalawa.
Pero tila kinalimutan na sila ng Barakos. Tinanggap na ng Barakos na hindi na babalik ang dalawang ito. At kung sakaling makabalik man sina Harp at Pennisi, bonus na iyon para sa kanila.
Medyo mahirap nga lang ang transition. Nakita ng lahat kung paano nangapa ang Red Bull sa katatapos na Philippine Cup. Buhat sa pagiging finalist sa 2004 Fiesta Cup ay sumadsad ang Barakos at nangulelat nga sa nagdaang torneo.
Pero ngayon ay may 5-4 record ang Barakos matapos na talunin ang powerhouse Talk N Text, 104-100 sa kanilang out-of-town game sa Calape Sports Center sa Bohol noong Huwebes. Nakalamang ng 18 puntos ang Phone Pals at inakala ng karamihan na maipoposte ng tropa ni coach Joel Banal ang kanilang ikatlong sunod na panalo upang makuha ang solo second place sa likod ng nangungunang San Miguel Beer (7-3). Pero nagising ang Barakos sa second half at nagawa nga nilang maungusan ang kalaban bunga ng pagsingasing nina Lordy Tugade at import Dalron Johnson.
Siyempre, may magsasabing hindi gaanong nadarama ng Red Bull ang pagkawala nina Harp at Pennisi dahil may import naman sa kasalukuyang torneo. Pero may import din naman ang ibang teams, e.
At kung tutuusin, hindi nga ganoon kaganda ang credentials ni Johnson. Katunayan, ilang beses na ngang napabalitang papalitan siya. May pinarating ngang ibang import ang Red Bull at nakaensayo pa ito ni Johnson. Pero sa dakong huliy si Johnson pa rin ang nanatiling reinforcement ng Barakos.
Ang laban kontra Talk N Text ay nagsilbing breakout game ni John-son. Biruin mong gumawa siya ng 40 puntos at 24 rebounds bukod pa sa apat na supalpal! Talagang desidido si Johnson na mapanatili ang kanyang trabaho sa Red Bull.
Tumataas din ang antas ng laro ni Enrico Villanueva na siyang pumupuno sa pagkawala nina Harp at Pennisi. Malaking bagay din ang pagkakakuha ng Red Bull sa seven footer na si Edward Joseph Feihl. Abay libre nila itong nasungkit sa Alaska Aces. Wala silang ibinigay na kapalit. At napapakinabangan nga nila si Feihl.
"Ganon din naman iyon, e. Rebounds ang hanap namin kay Harp. Pwedeng ibigay ni EJ iyon sa amin. Yung iba na lang ang pupuntos," ani Guiao.
Bukod kay Tugade, panggagalingan din ng puntos sina Cyrus Baguio, Junthy Valenzuela, Jimwell Torion at mga beteranong sina Vergel Meneses at Nelson Asaytono.
Para sa Fiesta Cup ay kumpletung-kumpleto ang Barakos. Mala-mang na makapamayagpag sila ngayon.
Saka na lang mamumrublema ulit si Guiao kapag all-Filipino na ang torneo!