Tigers may pag-asa kay Johns

Hindi man naipagkaloob lahat ng bagong import ng Coca-Cola na si Darrel Johns ang kinakailangang lakas ng Tigers, naibigay naman ito ng mga locals tungo sa kanilang 98-86 panalo laban sa Red Bull Barako sa pag-usad ng eliminations ng PBA Gran Matador Fiesta Con-ference sa Cuneta Astrodome kagabi.

Wala sa kondisyon si Johns, kinuha ng Coca-Cola bilang pamalit sa na-injured na si Bakari Hendrix, ngunit napalakas nito ang shaded area ng Coca-Cola at nakapaghatid ng 20-puntos at walong re-bounds sa kanyang debut.

"Tatlong linggo siyang nabakante pagkagaling niya sa China so talagang kulang sa hangin at hindi pa makasabay," wika ni Coca-Cola interim coach Eric Altamirano. "I’m so proud of my locals at confident ako sa kanila dahil kahit sa dulo, I know they will pull through."

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Tigers at ikatlo sa kabuuang pitong laro habang bumagsak naman ang Barakos sa 4-3 kartada.

Tumapos si Ali Peek ng 23-puntos upang pamunuan ang Coca-Cola na umabante ng 26-puntos, 88-62 sa kaagahan ng ikaapat na quarter na naibaba lamang ng Red Bull sa 11-puntos, 92-81, 3:27 na lamang ang nalalabing oras.

Ayon kay Altamirano, malaki ang maitutulong sa kanila ng seven-foot-one na 10-of-15 mula sa field sa kanyang 34 minutong paglalaro.

"Very promising naman si Johsn. He can rebound and take those jumpshots. Saka may yabang kaya mukhang meron itong ibubuga," paglalarawan ni Altamirano sa kanilang import.

Bumandera naman para sa barakos ang kanilang import na si Dalron Johnson na kumamada ng kabuuang 22 puntos.

Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Talk N Text (3-2) at FedEx (2-3). (Ulat ni Carmela V. Ochoa)

Show comments