Makikipagsapalaran ang Barakos sa Coca-Cola Tigers sa ganap na alas-4:45 ng hapon para makaakyat sa No.1 position ng PBA Gran Matador Fiesta Conference na gaganapin sa Cuneta Astrodome ngayong araw.
Kapag ang Barakos ang naghari, magkakaroon ito ng karapatang makisalo sa liderato sa sinumang mananalo sa pagitan ng Pure-foods at San Miguel na kasalukuyang naglalaban habang sinusulat ang balitang ito sa General Santos City.
Sa kasalukuyan ka-tabla ng Red Bull sa 4-2 record ang Purefoods, Ginebra at San Miguel Beer.
Ang makaani ng ikalawang sunod na panalo at makamit ang 3-4 baraha ang asam naman ng Tigers.
Inaasahang muling magpapakitang gilas sina Nelson Asaytono, Lordy Tugade, Gherome Ejercito at Dalron Johnson para maitala ng Barakos ang ikatlong sunod na panalo
Ngunit hindi rin naman magpapatalo ang Tigers, na may mga manlalarong gagawa ng maraming puntos tulad nina Ali Peek, Rafi Reavis, John Arigo Johnny Abarrientos at William Antonio.
Sa kabilang dako, aasa naman ang Coke sa kanilang bagong import na si Darell Johns, isang seven-footer, na pansamantalang papalit kay Bakari Hendrix habang nagpapagaling ito ng kanyang injury.
Samantala, sa ikalawang laro naman ay isasalang para sa isa pang matinding bakbakan ang FedEx at Talk N Text sa ganap na alas-7:35 ng gabi.
Mayroong 3-2 karta ang Talk N Text na aasa pa rin sa mahinang si Noel Felix habang di pa gumagaling si Earl Ike at ang FedEx ay may 2-3 record na sasandal naman kay import Anthony Miller. (Ulat ni Sarie Francisco)