PBL Unity Cup: Nenaco-San Beda susubukan ng Magnolia

Magde-debut ngayon ang rookie team na Nenaco-San Beda habang sisimulan naman ng Magnolia Ice Cream ang kanilang kampanya sa pagtatanggol ng titulo sa ikalawang game-day ng PBL Unity Cup sa Makati Coliseum.

Ang mapanganib na Welcoat Paints ang makakaharap ng SBC Red Lions sa alas-2:00 ng hapong opening game habang ang bigating Toyota Otis-Letran naman ang makakasagupa ng Magnolia Wizards sa alas-4:00 ng hapon.

Ang mananalo sa mga laban ngayon ay hahanay sa Montaña Pawnshop at Granny Goose Kornets na nanalo sa opening day noong Sabado.

Sa pagkawala ni Warren Ybañez na naglalaro na ngayon sa Red Bull sa PBA, sasandal si Magnolia coach Koy Banal kina Arwind Santos at Denok Miranda.

Pambato naman ng Negros Navigation sina Jerome Paterno at Yousif Al Jamal na magdadala ng run and gun offense.

Mabigat na pagsubok ang unang sasalubong sa San Beda laban sa beteranong koponan na Paint Masters na pangungunahan ng Fil-Am na si Anthony Washington katulong sina Jay Coching at Leo Najorda na pupuno sa pagkawala ni Chester Tolomia na umakyat na sa Sta. Lucia sa PBA.

Sasandal naman ang Letran sa kanilang bagong acquire na si Ronald Capati, shooter Emerson Oreta ar Ardy Larong na magpapalakas ng kanilang team.

Noong opening day, nanalo ang Jewels laban sa bagong team na Harbour Centre sa overtime, 81-75 habang tinalo naman ng Granny Goose ang Bacchus Energy Drink, 62-49. (Ulat ni CVOchoa)

Show comments