Bustamante, Valle nalo pero maghaharap agad

JAKARTA -- Maningning na binuksan ni Francisco ‘Django’ Bustamante at Gandy Valle ang kani-kanilang kampanya matapos na dispatsahin ang kani-kanilang kalaban, ngunit hindi naiwasan na magsalubong ng landas ang dalawang Filipino cue artist sa second round ng second leg ng San Miguel Asian 9-Ball Tour na punong abala ang siyudad na ito sa kauna-unahang pagkakataon.

Agad na tinumbok ni Bustamante, seeded second ang 3-1 pangunguna upang patalsikin si Chu Hung-Ming ng Chinese-Taipei, 9-5, habang hindi naman nakakuha ng mabigat na laban ang unseeded na si Valle nang kanyang igupo si Au Siu-Wai ng Hong Kong, 9-2 sa Hanggar Billiard and Recreation Center.

Subalit dahil sa naging resulta ng draw na ginanap noong gabi ng Huwebes, hindi naiwasan na makalaban agad ni Django si Valle, winner sa unang yugto sa Singapore sa event na ito na inorganisa ng ESPN Star Sports matapos ang kani-kanilang panalo sa first round.

Ang isa pang biktima ng blind draw ay si Lee Van Corteza na minalas na makaharap ang two-leg winner na si Yang Chin-Shun sa nasabi ring quarter ng 32-man bracket nang sina Bustamante at Valle ay naging kauna-unahang Pinoy na yumukod sa $50,000 event na suportado ng San Miguel Beer.

Nabigong pangalagaan ang 5-0 kalamangan, natalo si Corteza, 9-6 sa Taiwanese master, ang natatanging Filipino pool payer na hindi nanalo sa tatlong taong pagdaraos ng qualifying tournament sa Asia para sa World Pool Championship sa July.

Sariwa pa sa kanyang panalo sa Japan Open, iginupo naman ni Efren ‘Bata’ Reyes ang kapwa niya dating world champ na si Kunihiko Takahashi, 9-8 habang sasagupain naman ng qualifier na si Roberto Gomez Jr. si Ku Po-Cheng ng Taiwan.

Show comments