At kapag siya ay nag-retiro na, ang posibilidad na pumasok sa pulitika ay posible din bagamat kanyang pinasinungalingan na interesado na siya ngayon at hindi ganoon kasidhi ang interes.
"Sa ngayon wala pa sa isip ko ang pulitika. Bukod kasi sa bilyar at sabong, pinagpapatuloy ko ang pag-aaral ko," wika ni Pacquiao sa SCOOP sa Kamayan kahapon kung saan dumalo ito kasama sina equestrianne Mikee Cojuangco-Jaworski at Toni Leviste.
Nasa maganda at masayang mood ang Ring Magazine peoples champion sa loob ng isang oras na sports forum hindi tulad noong una itong dumating mula sa kabiguan niya kay Mexican Erik Morales sa Las Vegas, Nevada.
At nang magseryoso ang 26 anyos na tubong General Santos, idineklara nitong "Hindi pa tapos ang laban. Marami pang naghihintay na laban at babawi tayo kay Morales."
Sinabi din nito na bibiyahe siya patungong Los Angeles sa Abril 12 upang ayusin ang pinansiyal na hindi pagkakaunawaan nila ng kanyang American promoter na si Murad Muhammad kabilang na ang kanyang sosyo sa pay-per-view na sa kanyang paniniwala ay may karapatan siya.
Inamin din ni Pacquiao na napagtanto na niyang hindi siya puwedeng maging boksingero, billiards player at sabungero ng sabay-sabay, at idinagdag na gagawin lamang niya ito kapag naglilibang at hindi pang-kompetisyon.
"Sa tatlong talo ko sa career ko, kasama na ang kay Morales, marami akong natutuhang leksyon na tinatandaan ko," aniya
Kinumpirma din ni Pacquiao ang ulat na ang susunod niyang laban ay sa Hulyo sa hindi pa kilalang kalaban.
"Hindi pa alam kung kailan at kung saan, basta ang alam ko sa Amerika pa rin ang susunod na laban ko," dagdag nito na nagsabi din malamang na maging tune-up fight ito sa kanyang return bout kay Morales bago matapos ang 2005.
Samantala, sa susunod na lumaban si Manny Pacquiao sa Amerika, sasailalim ito sa naiibang set-up.
Ang kanyang mga fans sa Amerika, lalo na doon sa mga naninirahan sa Los Angeles ay malamang na hindi magustuhan ito, pero makikita pa rin nila ang pag-eensayo ni Pacquiao sa Wild Card Gym sa may Vine St. sa Hollywood.
Gusto ng American trainer ni Pacquiao na si Freddie Roach na magsanay ang Pinoy ring idol sa Big Bear sa California o Phoenix Arizona, na malayo sa publiko at sa maiinit na mata na nagi-scout.
"I believe that next time we get ready for a fight, at least a month before the fight before were gonna hold camp at Big Bear or Phoenix, Arizona," ani Roach sa late-night interview ni Dong Puno Live noong Huwebes.
"Were gonna have to isolate him a little more," dagdag pa nito.