PBA balik-aksiyon ngayon

Alin lamang sa dalawa, sinamantala ng mga teams ang isang linggong break ng PBA Fiesta Conference sa pagbibigay daan sa Semana Santa para makapaghanda o kinalawang ang mga ito dahil sa mahabang bakasyon?

Magpapatuloy ngayon ang season-ending reinforced conference ng PBA kung saan dalawang sultada ang nakatakda sa Araneta Coliseum tampok ang unang laro sa pagitan ng magkapatid na kumpanyang Purefoods at Ginebra.

Sa alas-4:45 ng hapon na sagupaan ng TJ Hotdogs at Gin Kings, tangka ng dalawang koponang ito na dugtungan ang kanilang back-to-back wins.

Sampung araw na ang nakakaraan nang huling mag-laro ang TJ Hotdogs. Ito ay sa Balanga Bataan noong Marso 19 kung saan tinalo nila ang Red Bull, 81-78. Isang araw lang ang kanilang lamang sa Beermen na huling naglaro noong Marso 20 nang ipalasap nila ang unang pagkatalo sa Talk N Text, 103-92.

Ang tagumpay ng TJ Hotdogs ay magluluklok sa kanila sa pakikisosyo sa liderato sa walang laro ngayong SMBeer na kasalukuyang nagsosolo sa liderato taglay ang 4-1 win-loss slate kasunod ang TJ Hotdogs na may 3-1 record.

Nasa kamay pa rin ni import Antonio Smith ang malaking responsibilidad sa TJ Hotdogs ngunit kakailanganin nito ang tulong ng mga locals sa pamumuno nina Noy Castillo, James Yap, Kerby Raymundo, Jun Limpot at iba pa.

Si Eddie Elisma naman ang pambato ng Gin Kings na tutulungan nina Eric Menk, Mark Caguioa, Rodney Santos, Romel Adducul at iba pa.

Sa ikalawang laro, alas-7:35 ng gabi, magsasagupa naman ang Coca-Cola (1-3) at Shell (2-2) kung saan magku-krus ang landas nina import Jaja Richards ng Tigers at Wesley Wilson ng Turbo Chargers.

Samantala, sa pagnanasang makabangon sa pangungulelat, kumuha ang Sta. Lucia Realty na kasalukuyang nakasubsob sa 1-4 record, ng bagong import.

Dinispatsa ng Realtors si Rahiem Brown para kunin ang balik-PBA na si Kevin Freeman, ang 6’5 na naging import ng nagdisbandang Tanduay noong 2001 Commissioners Cup na dating hinawakan ni coach Alfrancis Chua. (Ulat ni CVOchoa)

Show comments