World boxing championship masasaksihan sa Alabang

Masasaksihan ng mga boxing aficionados sa buong bansa ang isa pang world boxing championships ngayong buwan sa Muntinlupa City.

Ito ay sa pagsisikap ng prominenteng boxing manager/promoter na si Dante S. Almario ng Muntinlupa City na kamakailan lamang ay nahirang bilang World Boxing Empire (WBE) Commissioner-Advisor para sa Asia Pacific ng kasalukuyang WBE president na si Bernard Kenney ng Fairfax, Virginia.

Sa Marso 29 sa Alabang Junction sa harap ng Alabang Barangay Hall, ang beteranong world rated fighter na si Jun Arlos ng Parañaque ay makikipagsapalaran kay Philip Parcon ng Davao City para sa tsansang maging kauna-unahang WBE world junior flyweight champion.

Ang sagupaan sa pagitan nina Allan Rañada at Celso Danggod para sa Philippine Boxing Federation (PBF) flyweight championship ang tampok sa IBC 13-televised at libre sa publiko ang event na kabibilangan din ng kapana-panabik na preliminaries ng dalawang 10 rounders, isang 6-rounder at dalawang 4-rounders sa kabuuang 56 round card.

Ang championships fight ay may basbas ng WBE at inaprobahan ng Games and Amusement Boards sa kooperasyon ni Gabriel "Bebot" Elorde Jr. sa pagtataguyod ng Alabang Barangay Council na pinamumunuan ni Chairman Victor L. Ulanday, isang avid sports enthusiast at supporter.

Sinabi ni Almario na ito ang unang WBE world title bout na itinatag sa Asya sa suporta ni Ulanday na may iisang pananaw, ang makatuklas ng maraming Pinoy world champion na tulad ni Manny Pacquiao.

Show comments