Nakakagulat ang nangyari kahapon ng umaga sa kampeonato ng basketbol sa Private Schools Athletic Association (PSAA, isang torneo ng mga paaralan sa Quezon City), na gaganapin sana sa Diliman Preparatory School. Hindi sumipot ang isang koponan, at ang kalaban ay nagkampeon dahil sa default.
Ayon sa mga naroroon, maghaharap ang Benedictine International School at Diliman Preparatory. Dapat sa Our Lady Grace Montessori gaganapin ang laro, subalit may graduation na gagawin doon. Biyernes ng umaga, inayos na ng mga opisyal ng liga ang paglipat ng laro sa Diliman, bagamat hindi nagbabago ang takdang oras ng laban.
Alas-nuwebe ng umaga, Sabado. Dumating ang mga manlalaro ng Benedictine sa Diliman Preparatory, kasama ang tumatayong coach na si Bryan Enrado.
Alas-10 ng umaga ang laro. Madilim pa ang gym, at walang kalaban.
Sabi ng coach, kinontak nila ang head coach ng Diliman na isa daw Gino Iñigo. Darating na lamang daw sila ng alas -11. Hindi daw kumpirmado sa kanila ang oras ng laro. Maya-maya, naging alas-12 na raw.
"Biyernes pa lang, alam na nila ang schedule," pagdidiin ni Enrado.
"Gusto pa nila, tatawagan pa sila, kahit alam na nila ang schedule. Kausap sila noong ginawa ang schedule."
Sabi naman ng mga opisyal ng PSAA na nasa gym, lagi raw nagkakaproblema pag kasali ang Diliman Preparatory. Ayon sa kanila, paiba-iba ng isip, at gumugulo ang liga.
Alas-11, nasaksihan ng inyong lingkod na apat lamang sa manlalaro ng Diliman Preparatory ang dumating. Ibig sabihin, alam nila na may laro. Subalit hindi na sumipot ang kanilang coach at iba pang mga kakampi. Ibinigay ang tropeo sa Benedictine. Subalit masama ang loob ng mga player, dahil hindi nila ito pinaglabanan. Ipinagpaliban pa ng ilan sa kanila ang pag-uwi sa probinsya para lamang sa larong iyon. Bitin na bitin sila.
Sabi ni Enrado, kung sasali pa sa susunod ang Diliman Preparatory, malamang hindi na sila sumali.
"Kawawa naman yung mga player namin," dagdag ni Enrado. "Naghihirap sila, tapos ganyan ang mangyayari."
Sana hindi maulit ang ganitong kaganapan. Masamang halimbawa sa mga bata.