Itataya ng Beermen ang kanilang malinis na 2-0 record laban sa Red Bull sa pambungad na sultada sa ganap na alas-4:15 ng hapon habang pag-aagawan naman ng Sta. Lucia Realty at ng Talk N Text ang ikalawang panalo sa main game, alas-6:35 ng gabi.
Upang manatiling walang dungis ang kartada ng San Miguel, muling aasa ng magandang performance si coach Jong Uichico mula sa kanilang import na si Chris Burgess na siguradong susuportahan naman nina Danny Seigle, Dondon Hontiveros, Nick Belasco, Olsen Racela para sa Beermen na patuloy na di makakaasa sa injured na si Danny Ildefonso.
Nagpasiklab si Burgess sa kanyang debut game sa pagkamada ng 20-points at 22-rebounds na produksiyon upang ihatid ang San Miguel sa 82-73 panalo laban sa Alaska at tumapos ito ng 12-puntos sa kanyang ikalawang laro kung saan sina Seigle at Hontiveros naman ang bumandera para sa 88-77 pamamayani laban sa Coca-Cola noong Miyerkules.
Makakatapat ni Burgess si import Dalron Johnson ng Red Bull na hangad makabawi sa 104-109 pagkatalo laban sa FedEx kamakala-wa.
Tangka naman ng Phone Pals na maduplika ang 97-88 pamamayani laban sa Shell sa unang overseas game ng PBA sa Jakarta, Indonesia noong Marso 6, katulong si import Earl Ike na ngayon pa lamang masisilayan dito sa bansa.
Habang sinusulat ang balitang ito, naglalaban pa ang Alaska at Ginebra sa Tacloban, Leyte. (Ulat ni CVOchoa)