IMPORTED NA PROBLEMA

Tahimik na nagkakaisa ang mga coach sa PBA na ubod ng sama ang panahon para sa paghahanap sa bagong import para sa susunod na conference, lalo na’t walang limitasyon sa taas ng import na puwedeng kunin.

Una sa lahat, sa ika-4 ng Marso mag-uumpisa ang susunod na conference.

Subalit, sa kalagitnaan pa ng Marso matatapos ang mga liga sa ibang bansa. Sa ngayon, umaandar pa ang mga torneo sa United States, Japan, Greece, Turkey, Spain, Italy at iba pang bansa. Sa Amerika pa lang, naririyan ang Continental Basketball Association, Eastern Basketball Alliance, American Basketball Association, National Basketball Development League at United States Basketball League.

Ang Continental Basketball Association ay sinasabing pinakamatandang propesyunal na liga sa mundo. Nagsimula ito noong April 23, 1946, isa’t kalahating buwan bago nagsimula ang NBA. Ang dating Eastern Basketball Association ay naging CBA noong 1978. Labindalawa ang koponan nito. Maraming PBA import ang nagmumula rito.

Ang orihinal na American Basketball Association ay nilikha noong 1960’s upang kalabanin ang NBA. Sa katunayan, kinuha ng NBA ang nalalabing apat na miyembro nito noong 1976. Ang bagong ABA ay nagbukas noong 2000, at may walong miyembro.

Simula noong 1985, halos 150 NBA players ang nagsimula sa United States Basketball League. Labing-isa ang koponan, dalawa ang dibisyon. Sa Hunyo ang simula ng season nito.

Ang National Basketball Development League ay ang farm league ng NBA. Anim ang koponan, na nagsisilbing torneo para masanay ang mga player, coach, referee, team manager at iba pang kakailanganing tauhan ng NBA.

Karamihan sa mga liga ay tumitigil lamang tuwing tag-init nila, mula Hulyo hanggang Setyembre. Subalit ngayon na kailangan ang mga import. Ang malamang na mangyayari ngayon ay kukuha ang mga PBA teams ng panakip-butas na import, hanggang malibre ang mga mahuhusay na manlalaro na kailangan nila. Subalit, panibagong pasanin na naman ito, dahil, karamihan sa mga ligang ito ay naniningil ng mula $10,000 hanggang $30,000 upang pakawalan ang mga player nila. Paano kung magbayad ang isang koponan, at pagdating dito ay may topak pala ang nakuha nilang import? Sayang ang pera.

Liban diyan, madalas ang mga malalaking import ay mas mabigat sa kanilang nakalistang timbang. Nagugulat ang ibang team pagdating dito ng mga import nila. Minsan, iba ang nakalista sa tutoo. Ang mahirap pa rito, di natin masukat ang tunay na kalibre ng labanan sa ibang bansa, lalo na kung sa Europe ito. Baka mapilitan silang kumuha ng player na alanganin sa laki, halimbawa, mga 6’7" na sentro, para lang may makuhang magaling na tatagal.

Sana lang, makahanap ng magagaling na baguhan ang mga PBA teams, para hindi na papalit-palit, at di maguluhan ang mga fans.

Show comments