Welcoat humirit ng rubbermatch

Tulad ng sinabi ni Welcoat coach Caloy Garcia -- meron pang Game-Five ang PBL Open Championship finals.

At ito’y dahil kay Ryan Dy na naghatid ng apat sa kanyang isinumiteng 12-puntos, isang rebound at dalawang krusyal na steal sa huling maiinit na sandali ng gitgitang labanan ng Welcoat at Montana sa Game-Four sa Makati Coliseum tungo sa 80-77 panalo ng Paint Masters upang itabla ang best-of-five serye sa 2-2.

Nabitiwan ng Paint Masters ang walong puntos na kalamangan sa kaagahan ng ikaapat na canto, 59-51, matapos ang apat na offensive fouls sa limang posesyon at pag-atake ni Compton na umiskor ng 13 sa kanyang kinamadang 30-puntos sa ikatlong quarter.

Naagaw ng Montana ang kalamangan sa 73-72 papasok sa huling 3:43 oras ng laro mula sa triple ni Reed Juntilla ngunit huli nilang natikman ang liderato, 77-76 nang isa-gawa ni Dy ang kanyang kabayanihan.

Kinumpleto ni Dy ang kanyang steal sa pamamagitan ng fastbreak para sa 78-77 kalamangan ng Paint Masters, papasok sa huling minuto ng laro.

Si Dy rin ang nagsagawa ng offensive rebound mula sa nagmintis na triple ni Anthony Washington para maipreserba sa panig ng Paint Masters ang posesyon at agad itong na-foul ni Froilan Baguion na nagdala sa kanya sa freethrow line, 11-segundo na lamang.

Parehong ipinasok ni Dy ang penalty shots mula sa na-fouled out na si Baguion para sa tatlong puntos na kalamangan at tuluyan nang naiselyo ng Paint Masters ang panablang panalo nang ma-intercept ni Dy ang pasa ni Compton kay Juntilla. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments