Unang salang ng URB: tagumpay

Sa pagsilang ng United Regional Basketball League nitong taon, muling binigyang sigla ni Commissioner Ramon Fernandez ang papel ng basketball bilang ‘Passion of the Nation’ ng Pilipinas.

Hindi makakailang may ibang formula na hinahanap ng panlasang Pinoy kung kaya’t binuhay ni Fernandez ang konsepto ng ‘regional basketball’ upang pasiglahin muli ang interes sa naturang isport at pagdugtungin ang buhay ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng basketbol.

Kung kaya’t nitong simula ng 2004 ay pinagplanuhan na ng husto ni Fernandez ang pagsilang ng URBL. Hindi man naging madali sa umpisa ngunit nakuha niya ang suporta ng M. Lhuillier upang maging balwarte sa Kabisayaan, ang Ilocos Sur Snipers para sa North Luzon, ang Harbour Centre-Pampanga para sa Region 3 at si Quezon Province Gov. Willie Enverga para sa Timog Luzon.

Dumagdag pa rito ang pagtaguyod ng Lactovitale na nagtatag ng Cebu Province team bilang ikalimang kalahok sa debut season ng URBL.

Matapos maplantsa ang pagpaplano, bumulaga na ang URBL noong Setyembre 25.

Napatunayan sa pagbubukas ng liga sa Cebu City ang matinding pagkauhaw ng tao sa kakaibang aksiyon ng basketball.

Mula noon, halos di mahulugang karayon ang dami ng tao sa bawat venue pinagdausan ng URBL.

Naipamalas din ng liga ang balanseng kompetisyon. Noong elimination, pumailanglang ang M. Lhuillier sa pitong sunod na panalo subalit pagdating sa semifinals ang Ilocos Sur Snipers naman ang rumatsada ng apat na sunod na panalo.

At naging kapana-panabik ang tagisan ng apat na semi-finalists at sa huling araw lamang nalaman ang magta-tagisan para sa kampeonato. Sa pagiging spoiler ng Harbour Centre-Pampanga, nawala na ang Quezon Huskers sa championship picture at naiselyo ang paghaharap ng M. Lhuillier at Ilocos Sur Snipers sa best-of-five title series.

Ginulantang ng mga Jewelers ang kalaban sa sariling poder sa Santo Domingo People’s Center nang kunin nila ang Game One, 80-77, subalit naging matibay pa rin ang Ilocos Sur Snipers nang manaig ito sa 85-76 sa over-time at itabla ang serye sa 1-1.

Nangako ang M. Lhuillier-Cebu City na tatapusin na nila ang kampeonato sa kanilang balwarte sa New Cebu City Coliseum at hindi na nga nag-aksaya ng panahon.

Hinagupit nila ang Snipers sa iskor na 74-70 sa Game 3 at binuhos ng kanilang players ang lahat sa Game 4 tungo sa 95-83 na tagumpay upang makamit ang karangalan bilang unang kampeon ng URBL.

Umaasa si Fernandez na magiging mas masigla pa ang URBL sa 2005 dahil sa paglahok ng ilan pang kuponan na babandera sa key cities o provinces ng bansa.

Show comments