SAINT NIC

BAGO pa dumating sa Philippine Basketball Association si Ronald Tubid, si Nic Belasco ng San Miguel ang tinatawag na "Saint"

St. Nic ang bansag kay Belasco at ito’y dahil nga sa nasa puso naman ng lahat si Saint Nick na siyang sinasabing si Santa Claus. E, sa San Miguel Beer naglalaro si Belasco, so swak na swak sa kanya ang bansag sa kanyang iyon.

Kaya lang, tila hindi kumabit nang maigi sa kanya ang monicker at nalimutan na ito.

Nang pumasok na si Tubid ay siya na ang tinaguriang "The Saint." Ito nama’y bunga ng pangyayaring siya gina-gamit na modelo nang ipinta si Pedro Calungsod. Naglalaro pa siya sa University of the East nang nangyari ito kung kaya’t habang naglalaro siya sa Philippine Basketball League ay dumikit na kay Tubid ang monicker at nabitbit niya ito hanggang sa PBA.

Pero sa ngayon ay muling bumabalik kay Belasco ang taguring St. Nic. Ito’y dahil sa napakaganda ng kanyang per-formance sa kasalukuyang Gran Matador-PBA Philippine Cup.

At siya na ngayon ang leading scorer ng Beermen sa average na 16.69 puntos sa 16 games. Bukod dito ay mayroon din siyang double figures sa rebounds sa average na 11.69 boards kada laro. Mayroon din siyang 1.38 assists, 0.81 steal, 0.38 blocked shot at 1.81 errors sa 36.88 minuto.

Noong Huwebes ay kitang-kita ang husay ni Belasco nang gumawa siya ng 30 puntos upang matulungan ang San Miguel Beer na makagani sa Coca-Cola Tigers, 80-75 sa kanilang sagupaan sa Peoples‚ Astrodome sa Dagupan City, Pan-gasinan.

Si Danilo Ildefonso ang siyang inaasahang magpapakitang-gilas sa larong iyon dahil sa siya ay itinuturing na bayani sa pook na iyon bunga ng pangyayaring isinilang siya sa kalapit na Urdaneta City. Siya nga ang may pinakamalakas na palakpak nang ipakilala ang mga manlalaro ng magkabilang koponan.

Pero sa dakong huli, si Belasco ang siyang napalakpakan nang husto dahil siya ang sumagip sa Beermen at naghatid sa kanyang koponan sa panalo.

Ang sabi nga ng karamihan, paanong hindi sisingasing si Belasco ay panahon ni Santa Claus ngayon. Nalalapit na ang Pasko, di ba?

Show comments