Hirit sa Pasko

Marami akong hiling para sa Pasko, at yaman din lamang na hindi na aabot ang liham kay Santa Clause (at puno palagi ang Inbox ng e-mail niya), dito ko na lang ilalagay.

Una, pinagdarasal ko na hindi tayo gumawa ng kahihiyan sa darating na Southeast Asian Games. Ngayon pa lang, may mga pumupuwesto na’t nangangampanya na makasali sa mga nagdidisisyon, pero medyo huli na yata.

Huwag na tayong mag-ambisyon na manguna sa SEA Games. Ipanalangin na lamang natin na walang madakip, mawala ng bagahe, madaya, masaktan o mawala sa mga libu-libong atleta’t opisyales at bisita na pangangalagaan natin.

Pangalawa, nawa’y makapaghanda na tayo ng maayos para sa SEA Games. Sa ngayon, ikakalat natin ang mga atleta sa iba-ibang dako ng bansa para lamang magamit ang mga maaayos nating mga pasilidades. Mabuti naman. Sana’y mabigyan ng sapat na pagsasanay at inspirasyon ang mga atleta nating lalahok. Sana’y walang masaktan sa kanila.

Pangatlo, sana’y dumami ang mga world champion natin, di lamang sa boksing, kundi pati sa ibang sports. Di lamang naiisip ng ating pamahalaan kung gaano kalaki ang impluwensya ng mga matagumpay na atleta bilang inspirasyon sa ating bayan. Akala nila’y luho o hindi mahalaga ang pagkakaroon ng mga bayani sa mga panahong ito. Diyan sila nagkakamali. Nakita ng inyong lingkod kung paano nakatulong sa ekonomiya ng China ang simpleng pagpasok ni Yao Ming sa NBA. at hindi ba natin naaalala kung gaano kalaki ang iniunlad ng billiards sa ating bansa nang maging World 9-Ball champion si Bata Reyes?

Pang-apat, pagwawakas na sa isyu ng mga pekeng Fil-Am. Kung mayroon pa, ilabas na’t paalisin. Kung hindi naman talaga magbabago ng patakaran ang PBA para buksan ang pinto para kahit kanino, di ipunin na ang lahat ng mga peke (kung mayroon pa), at palayasin na. Bakit pa natin patatagalin? Habang naglalagi sila rito, lalong nababahiran ang kasaysayan ng PBA. Ano pa ang hinihintay natin?

Panlima, pagbabago sa pagtrato sa ating mga pambansang atleta. May nagbago na ba? Sa huling sampung taon, lalong lumiit ang allowance ng mga national athletes, lalong lumiit ang dami ng ating mga gintong medalya sa Timog Silangang Asya. Ano ba talaga ang papel ng Philippine Sports Commission, tagabigay ng pera o tagagawa ng patakaran ng bansa sa sports? Tila yung una yata, pero hind iyon ang pakay ni dating Sen. Joey Lina nang buuin niya ang PSC Law noong 1990.

Sana, nakikinig ka, Santa.

Show comments