Matapos ang limang sunod na panalo, dalawang sunod na talo ang nalasap ng Turbochargers laban sa mga koponang nalagasan ng players na sangkot sa Fil-sham scandal.
Unang lumuhod ang Shell kontra sa Asi Taulava-less na defending champion Talk N Text, 63-80 at sinundan ito ng 90-94 pagkatalo kontra sa Red Bull na nawalan ng Davonn Harp at Mick Pennisi nito lamang Miyerkules.
Napapalayo na ang Turbo Chargers sa league leader na Phone Pals na may impresibong 8-1 record sa kanilang taglay na 5-3 kartada na katabla na ngayon ng kartada ng Barangay Ginebra at di naman nakakalayo ang San Miguel na may 5-4 record.
Kailangang manalo ngayon ang Shell sa alas-6:30 ng gabing laban kung ayaw nilang maungusan sa ikalawang puwesto ng Beermen na nakatakdang sumagupa sa Alaska sa pambungad na laro sa alas-4:00 ng hapon.
Kagagaling lamang ng San Miguel sa 88-82 panalo laban sa TJ Hot-dogs sa out-of-town game ng PBA sa Tacloban City at ito ang nais nilang sundan upang maagaw ang ikalawang puwesto. (Ulat ni CVOchoa)