So, Camacho wala pang talo

Tanging sina No. 106 seed Wesley So at No. 20 seed Chardine Cheradee Camacho ang nalalabing pambato ng Pilipinas na wala pang talo matapos na kapwa umiskor ng panalo sa 2nd round ng 2004 World Youth Chess Championships noong Biyernes ng gabi sa five-star Creta Maris Hotel sa Heraklio, Crete, Greece.

Gamit ang mga itim na piyesa, ginapi ng 11-anyos ang No. 23 seed na si Oliver Mihok ng Germany upang makisalo sa liderato kasama sina top seed Liu Qingnan ng China; 3rd seed FM Sanan Sjugirov ng Russia; 4th seed Parimarjan Negi ng India; 6th seed Aleksandr Shimanov ng Russia; 7th seed Liren Ding ng China; 11th seed FM Fabiano Caruana (ELO 2196) ng USA at No. 35 seed Kareim Wageih (ELO 2017) ng Egypt na niyanig ang 2nd seed Eltaj Safarli (ELO 2306) ng Azerbaijan sa boy’s 12 and under division na nilahukan ng 122 youth chessers.

Sa distasff side, pinayukod ng 10-anyos na si Camacho ang No. 64 seed na si Lucie Rigolot ng France upang makasama sa grupo na may perpektong 2 puntos sa pangunguna ng No. 1 seed Reddy Tejaswini ng India; No. 2 seed Foisor Mihaela-Veronica ng Romania; No. 3 seed Mohana Priya J ng India; No. 4 seed WFM Mary Arabidze ng Georgia; No. 8 seed Ambanwala L ng Sri Lanka at No. 10 seed Vlada Artemieva ng Russia sa girl’s 10 and under na sinabakan naman ng 84 entries.

Nauwi naman sa draw ang laban ng No. 26 seed na si Christy Lamiel Bernales sa kalabang No. 2 seed na si WFM Anastasia Bodnaru ng Russia sa girls’ 12-under upang umiskor ng 1.5 puntos.

Pawang nabigo naman sa kani-kanilang laban sina Prince Mark Aquino (boy’s 10 & under); Bago Bantay, Quezon City Leo Daylo Jr. (boy’s 14 & under) at Muntinlupa City’s Jayveelyn Fronda (girl’s 18 & under).

Show comments