MUNDO NI YAO

Nasaksihan ng inyong lingkod ang tindi ng pasanin ni Yao Ming bilang kinatawan ng China sa NBA. Noong sinalubong siya sa party ng NBA sa Shanghai, halos hindi siya makahinga. Mula sa paglapag niya mula sa eroplano, wala na siyang ginawa kundi ang makipagkamay, sumagot sa tanong, at humarap sa kamera. At kung tutuusin, tahimik at pribadong tao si Yao.

Subalit, sa unang pagkakataon, inilahad niya ang kanyang mga saloobin sa isang aklat, ang YAO: A Life in Two Worlds, sa tulong ng manunulat ng ESPN na si Ric Bucher. Dito, malalaman nating hindi lang pala siya matangkad, malalim din.

Bagamat lumaki siya sa bansang Komunista at ngayo’y naghahanapbuhay sa bansang pinalakas ng kalakalan, nauunawaan niya ang dalawang mundo. Nakikita niya ang nagpapainog sa magkabilang daigdig. At naiintindihan niya ang malaking larawan.

Inamin niya na hindi niya nahiligan ang basketbol agad, subalit dahil basketbolista ang mga magulang niyang sina Yao Zhi Yuan (6’7) at Fang Feng Di (6’3), naging natural din ito sa kanya. Isinalaysay niya ang katatakut-takot na paghihirap, ilang buwang pagsasanay kahit walang laro, at ang pagdurusa sa napakaliit na silid ng mga national player.

Iniliwanag din niya ang relasyon nila ni Liu Wei, na pina-kamatalik niyang kaibigang nagsusumikap makapasok sa Sacramento Kings, at kay Wang Zhi Zhi, na laging nauna sa kanya, at nagsilbing mitsa ng kanyang pagnanasang maka-pasok sa NBA.

Noon, wala siyang kotse’t nakabisikleta lamang. Subalit nakasanayan niya ang mahirap na buhay. Sa katunayan, pinili niya ang sumali pa rin sa Chinese national team kahit na nasa NBA na siya. At pinagpipilitan niyang tuparin ang lahat ng obligasyon niya sa mahigit isang bilyon niyang kababayan.

Katawa-tawa rito ay ang kanyang unti-unting pagiging "Amerikano". Tuwing umuuwi siya para maglaro, nakaka-limutan niyang Intsik pa rin ang mga kakampi niya’t kinakausap niya ng English.

Ang isang matinding kalaban ni Yao ay pagod. Bingi siya sa isang tenga, at dalawang beses nang nabali ang kaliwang paa niya. Pero ang matinding hamon ay kung paano makaka-pagpahinga sa harap ng pananagutan niya bilang ambassador ng Shanghai, kinatawan ng Tsina, at pag-asa ng kanyang lahi. Sa mata ng kanyang mga kababayan, ang lahat ng tagumpay niya ay tagumpay nilang lahat.

At nagsisimula pa lamang ang kanyang mga pagsubok.

Show comments