Ang bakbakan ay sa ganap na alas-6 ng gabi sa Xavier University gym.
Kapwa hawak ang 0-1 baraha, inaasahang magiging mainit ang bak-bakan ng dalawang koponan na kapwa talunan sa kanilang mga naunang laban upang maiwasang masadlak sa duluhan ng standings.
Nais kalimutan ng Barakos at Turbo Chargers ang kanilang hindi magandang panimula at ang pagtatala ng unang panalo at maging magandang puhunan sa kanilang kampanya sa dating All-Filipino Cup.
Muling sasandalan ni coach Yeng Guiao, sina Mick Pennisi, Davonn Harp, Cyrus Baguio, Enrico Villanueva, Junthy Valenzuela, Lordy Tugade, at gayundin ang pag-init ni Vergel Meneses
Tiyak namang tatapatan ito ni coach Leo Austria ng mas mahigpit na depensang magmumula kina Chris Jackson, Rich Alvarez, Ronald Tubid, Christian Calaguio, John Billy Mamaril, Kalani Ferreria na umaasam ding maitala ang unang panalo sa kanilang pagdayo sa ikalawang out-of-town game na ito na hatid ng Cebu Pacific at supor-tado din ng Lactovitale.
Magbabalik ang aksiyon sa Araneta Coliseum sa Miyerkules. (Ulat ni Dina Marie Villena)