Pahayag ni Antonio kinondena ni Dableo

Mariing kinondena ng reigning Asian Zonal 3.2a champion na si Ronald Dableo ang pahayag ni Grandmaster Joey Antonio hinggil sa mahinang klase ng men’s team ang ipadadala ng National Chess of the Philippines (NCFP) para sumabak sa World Chess Olympiad sa Majorca, Spain sa susunod na buwan.

"Hindi naman ganun kababaw ang pool of chess talents natin," pahayag ni Dableo hinggil sa naglabasang ulat.

Ayon sa 25-anyos na si Dableo, hindi naman makatarungan ang naging pahayag ni Antonio na ang ipapadalang koponan sa Olympiad ang siyang pinakamahina sa kasaysayan ng paglahok ng bansa sa nasabing biennial event kung saan hindi sasabak ang ikalimang GM ng bansa.

"Para namang dine-grade n’ya (Antonio) kaming mga nasa finals," dagdag pa ni Dableo, isa sa nalalabing dalawang seeded finalists.

Bukod kay Dableo, nakisimpatiya rin sina IM Jayson Gonzales, ang isa pang seeded finalists at ang qualifiers na sina FIDE Master Jesses Noel Sales at National Master Darwin Laylo sa hindi magandang pahayag ni Antonio.

Ayon sa kanila, walang karapatan si Antonio na maliitin ang mga Filipino players at sa halip ay makiisa na lamang siya upang maging maganda ang kalalabasan ng resulta ng kampanya ng bansa sa Olympiad.

"Kung p’wede nga lang na an’dyan ang mga GMs mas maganda para mapatunayan naming deserving kami na makaabot rito," ani Sales.

"Hindi naman siguro ganun kalayo ang laro namin sa kanila (GMs). Pero p’wede naming gamitin ‘yun as motivation para magpakita ng maganda rito sa finals," dagdag pa ni Laylo.

Show comments