Pag-aagawan ng La Salle at Ateneo ang No. 2 spot sa Final Four sa nakatakda nilang playoff match ngayong alas-3:45 ng hapon sa 67th UAAP mens basketball sa Araneta Coliseum.
Parehong tinapos ng Green Archers at Blue Eagles ang kanilang eliminasyon sa magkatulad na 10-4 rekord sa ilalim ng 11-3 baraha ng No. 1 na FEU Tamaraws.
Bukod sa Tamaraws, hahawak rin ng twice-to-beat advantage sa Final Four ang mananaig sa pagitan ng La Salle at Ateneo bilang No. 2 team.
Binalikan ng Green Archers ang Blue Eagles sa second round via 72-61 panalo matapos makatikim ng 72-75 pagkatalo sa first round.
Sa kanilang upakan para sa No. 2 spot, inaasahang kapwa magiging handa sina Franz Pumaren ng La Salle, ang four time champion coach at Sandy Arespacochaga ng Ateneo.
Kasalukuyang sumasakay ang Taft-based cagers sa kanilang six-game winning streak, kasama rito ang 81-61 paglampaso sa University of the East noong Huwebes.
Sa kabilang banda, matapos namang maglista ang Katipunan-based dribblers ng isang seven-game sweep sa first round, nahirapan naman ang Ateneo sa second round na tinampukan ng kanilang 51-65 kabiguan sa FEU noong Sabado.
Sina Mac-Mac Cardona, Joseph Yeo, Jun Cabatu at Gerwin Gaco ang magdadala sa Green Archers katapat sina L.A. Tenorio, Paolo Bugia, JC Intal at Nagawa Membrere ng Blue Eagles.
Sa pagsisimula ng Final Four sa Huwebes, makakatapat ng Tamaraws ang UE Red Warriors, habang muling maghaharap ang Green Archers at Blue Eagles sa Linggo sa Big Dome.