Pascua, naghari sa Northern Luzon leg

Tinapos ni Reynaldo Pascua ang paghahari ni Rodolfo Tacadino sa Northern Luzon sa 28th National Milo Marathon kahapon matapos na silatin niya ito sa huling final na 10 kilometro ng 21K na karera.

Ang panalo ni Pascua ang siyang tumagpas sa walong sunod na pamamayani ni Tacadino sa yugtong ito.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ini-host ng Laoag City ang qualifying race simula noong 1993.

Tinawid ni Pascua ang finish line sa tiyempong isang oras, walong minuto at 54 segundo na may lamang kay Tacadino ng 11 segundo.

Bukod sa pagbulsa ng top purse na P10,000, nag-uwi rin si Pascua ng bagong Globe Handyphone at eleganteng tropeo mula sa Milo.

Samantala, kinailangan ni Butac na kumuha ng kaunting lakas mula sa field bago niya nakumpletong tapusin ang course sa tiyempong 1:31:59 upang dominahin ang distaff side.

Pumangalawa sa kanya ang American volunteers na si Leigh Bonner Tillman ng Maryland (1:49:29) at Justone Anne Baruch ng Colorado (1:54:54).

Ang top three male and female finishers sa 21K race na ito ang siyang kakatawan sa region sa 42K National Finals sa Metro Manila sa Nov. 14.

Dinomina naman nina James Galo (16:40) at Mary Abegail Bugao (24:27) ang 5K fun run, habang ang 3K Kiddies age-group race ay napanalunan ni Mark Agtarap at Ginalyn Dacoyvoy sa 6-9 category at Mark Calcal at Vanessa Marcos sa 10-12 group.

Show comments