Thai pug pababagsakin ni Gabi

Nangako ang Pinoy World Boxing Council No. 8 flyweight contender na si Diosdado Gabi na kan-yang pababagsakin ang reigning Thai champion na si Pongsaklek Wonjongkam sa kanilang naka-takdang paghaharap sa Oct. 8 sa 12-round title bout sa resort city ng Phuket, Thailand.

Sinabi pa nito na napag-isip-isip niya na maiuuwi lamang niya ang korona sa bansa sa pamamagitan ng kanyang panalo sa bisa ng pagpapabagsak sa Thai pug, at ayon sa kanya, gagawin niya ito upang ialay ang kanyang panalo sa mga kababayang Pinoy at sa kanyang isisilang pa lamang na anak sa asawang si Eva Joy na nakatakdang manganak sa mismong araw ng kanyang pinakamalaking laban sa kanyang siyam na taong boxing career.

At bilang patunay sa kanyang pangako, puspu-san ang ginagawang pagsasanay ng tubong Davao City WBC international kingpin na nagsimula pa noong nakaraang buwan sa L&M Gym sa Central Market sa may Sampaloc sa ilalim ng pangangasiwa ng trainers na sina Buboy Fernandez ng Team Manny Pacquiao, Bebot Alindez at Bruce Lerio.

Taglay ni Gabi ang impresibong ring record na 21-2-1 win-loss-draw na ang 17 nito ay mula sa knockout.

Ayon sa mga eksperto, malakas ang tsansa ni Gabi na mapatulog ang Thailander dahil sa mas malakas ang kanyang kamao kumpara sa 27-gulang na si Pongsaklek na may hawak ng pinakamabilis na knockout na panalo sa kasaysayan ng 112-pound division nang kanyang dispatsahin ang Japanese challenger na si Daisuke Naito sa 34 segundo ng kanilang title bout noong 2002.

Nag-iingat naman si Wonjongkam, na isang fighter na gaya ni Gabi ng 52-2 card na may 29 KOs.

Show comments