Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng NCAA na ngayon ay nasa ika-80th taon na, ngayon lamang nangyari na ang isang miyembro ng liga ay nagsampa ng TRO kung saan tila napahiya ang Management Committee sa inasal na ito ng Letran.
Well, tapos na yun.
Pero muling nasangkot na naman sa gulo ang Letran dahil suspindido naman ngayon ang isa sa kanilang sandata na si Ronjay Enrile dahil sa unsportsmanlike conduct. At hindi naman daw aapela ngayon ang Letran.
Gayunpaman, hindi ito ang istoryang nais kong malaman.
Ang sa akin, bakit tila laging nasasangkot ang Letran sa gulo o away sa basketball?
Kung matatandaan ko, isa sa dahilan ng paglisan ng De La Salle sa NCAA noon kung saan dati silang miyembro ng NCAA ay ang rambulang naganap din sa pagitan ng DLSU at Letran.
Ngayon Letran na naman ang involved.
Ano ba yan? Talaga bang nakikilala ang Letran sa pagiging basagulero?
Hindi naman siguro, di ba coach Louie? Talaga lang sigurong mainit ang labanang nagaganap ngayon lalo nat ang laging nasasangkot din sa kanilang gulo ay ang Perpetual Help.
Tuwing maghaharap yata ang dalawang school na ito ay laging may hindi magandang insidenteng mangyayari.
Kunsabagay, part daw ng basketball ang sikuhan, balyahan, patiran at suntukan. Hindi yata enjoyable ang laro kung mawawala ang mga ito.
At sa nagaganap na pangyayari, namumuo ngayon ang rivalry sa pagitan ng Letran at ng UPHDS.
Kapag nagkaganoon, laging aabangan na ito at tiyak na laging mapupuno ang venue kapag silang dalawang ang magkaharap.
Eh tila posible pang mangyari yun dahil kapwa nasa Final Four ang dalawang team.
Tiyak umaatikabong basketball at boxing ball ang magaganap kapag silang dalawang nagharap sa kampeonato.
Anong sey nyo?