Sa isang bagong aklat na pinamagatang "Inside the Olympics," inilathala ni Richard "Dick" Pound, dating Canadian Olympic swimmer at mataas na opisyal ng IOC, ang mga desisyon at intriga na nalahad sa publiko, at ang mga lihim sa likod ng mga ito.
Sa pagpili ng Athens, halimbawa, inilista ni Pound ang mga problemang kaakibat sa pagdaraos ng Olympics doon. Ayon kay Pound, grabe ang polusyon sa bayang iyon, at ilang taon nang di malinis. Karagdagan pang balakid ang tindi ng pulitika sa loob ng pamahalaan, na nagpapatagal sa mga pampublikong proyekto.
Nakakagulat ring malaman na, tuwing naghuhukay sa mga bayan sa Greece, madalas ay may nalalantad na mga ebidensya ng mga nakalipas na sibilisasyon. Sa gulo ng kaakibat na mga imbestigasyon at pananaliksik ng mga archeologist, naantala ang mga proyekto.
Isang ikinadismaya ni Pound ay ang diumanoy pamimilit ni IOC president Juan Antonio Samaranch na iboto ang Athens, kahit sa mga nakaraang pagpili ng host city.
Idinagdag pa ng 1960 Olympic finalist na maraming komplikasyon sa pagpili naman sa punong-abalang bayan para sa Winter Games. Ayon kay Pound, hindi lahat ng miyembro ng IOC ay nakakaranas ng winter, at hindi pa nakakadalaw sa mga kandidatong bayan. Dahil dito, katakut-takot na panliligaw ang nangyayari, at sangkatutak na suhol ang natitikman ng mga IOC members. Tinatayang ang bayang magwawagi ay kikita ng halos $15 bilyon.
At hindi pa natin pinag-uusapan ang mga kontrobersya sa drugs at judging.