Maganda rin itong nangyari kay Ren-Ren. Kasi, kung titingnang maigi ang kanyang istorya ay makikitang hindi naman superstar ang kanyang amang si Florendo Ritualo, Sr. na naglaro sa Great Taste sa mga unang taon ng Philippine Basketball Association.
Magkaiba ang laro nilang mag-ama. Ang nakatatandang Ritualo ay sentro pero hindi naman dominante noong kapanahunan niya. Tandang-tanda pa ng karamihan ang pangyayaring silang dalawa ni Danilo Pribhdas ang naghahalinhinan sa poste. Kinuha pa nga ng Great Taste noon si Manny Paner upang siyang maging main man ng koponan.
Ibig sabihin ay nag-improve ang generation ng mga Ritualos. Hindi man naging superstar ang nakatatandang Ritualo ay nabawi iyon ni Ren-Ren. Ngayon ay lehitimong superstar na siya at alam ito ng lahat. Alam ito ng FedEx kung kayat pinanatili siya sa kanilang bakuran sa pamamagitan ng magandang kontrata na tax-free pa!
Sa tutoo lang, malaki naman talaga ng potential ni Ritualo sa PBA. Hindi nga lang siya nabibigyan ng mahabang playing time.
Magmula noong high school siya sa San Beda hanggang sa college siya sa La Salle ay nasanay na si Ritualo na maging main man ng kanyang koponan. Siya talaga ang pinupuntirya ng depensa ng kalaban. Kapag pinakawalan siya ay magbabayad nang mahal ang kanilang kalaban dahil sa tiyak susuungin niya ang mga ito sa pamamagitan ng kanyang three-pointers.
Marami nga ang nagsasabi na sa kasalukuyang panahon kung kailan ang mga batang manlalaro ay mahilig lumipad at mag-dunk, kakaiba si Ritualo. Iilan na lang ang tulad niya na pure shooters.
At iyon talaga ang kailangan natin. Itoy kung ang pag-uusapan ay ang partisipasyon sa mga international competitions. Hindi nga bat sa mga nakaraang dekada ay kinatakutan ang mga tulad nina William "Bogs" Adornado at Allan Caidic dahil sa sila ang bumabasag sa sona ng kalaban. Hindi nga bat ang outside shooting ngayon ang matinding sandata ng mga Koreano na nagkampeon sa nakaraang Asian Games basketball competition?
So, kailangang-kailangan ng Express ang isang tulad ni Ritualo. Iyon ngayon ang magiging thrust ni coach Joe Lipa na siyang nakapaghatid sa isang all-amateur RP Team sa third place sa Seoul Asiad halos dalawang dekada na ang nakalilipas.
Maiiba ang thrust ng FedEx ngayong wala na si Meneses. Wala nang lilipad. Babanat na lang sa labas si Ritualo.