MALING-MALI!

WALANG ibang magandang gagawin ang Letran College kundi tumalima at mag-issue ng public apology dahil sa ginawang pagkuha ng Temporary Restraining Order ka-makailan upang pigilan ang one-game suspension na ipinataw kay Frederick Rodriguez.

Kasi, kahit saan punto de vista tignan, mali ang pagkuha ng TRO at pagsampa ng civil case laban sa NCAA. House rules ang ipinaiiral ng liga, e. Kapag nagkamali ang isang manlalaro, nararapat lang na parusahan ito.

Ipagpalagay na nating si Dean Apor ng Perpetual Help Altas ang nagsimula ng kaguluhan nang tukuran niya si Rodriguez sa laro kontra sa Letran Knights, aba’y hindi na sana gumanti si Rodriguez. Kung ganoon ang nangyari, e di si Apor na lang ang nasuspindi. E kaso’y gumanti din si Rodriguez, kaya’t pareho silang nasuspindi.

Si Apor ay hindi nga naglaro sa laban ng Perpetual Help at San Sebastian College noong Miyerkules dahil sinunod niya ang ruling ng liga. Hindi naman maintindihan ng karamihan kung bakit hindi na lang sinunod ng Letran at ni Rodriguez ang ruling ng NCAA.

Sa tutoo lang, mahaba naman bago madesisyunan ang isang civil case. At kung magsasampa ng counter charges ang NCAA laban sa Letran ay puwedeng lalong humaba at walang mapuntahan ang sitwasyon.

Pero habang nagmamatigas ang isang eskuwelahang gaya ng Letran ay puwede silang patawan ng kung anu-anong sanctions ng NCAA. Nasa rule book naman nila iyon, e.

Handa ba ang Letran College na humantong sa sukdulan ang lahat.

Kasi nga, sa ngayon, sari-sari ang usap-usapan sa liga, e. Nandoong baka suspindihin ng NCAA bilang miyembro ang Letran o kaya’y tuluyan na itong tanggalin. Nandoon ang iniisip daw ng Letran na umalis na lang sa NCAA at lumipat sa ibang liga.

Marami namang posibleng scenario, e.

Pero tandaan natin na ang Letran ang isa sa dahilan kung bakit umalis ang La Salle sa NCAA sa simula ng dekada 80. Hindi nga ba’t nagkaroon ng riot sa Rizal Memorial Coliseum sa laro sa pagitan ng Knights at Green Achers na naging dahilan para masuspend ang NCAA season. Pagkatapos noon ay tumiwalag ang La Salle at lumipat sa UAAP.

Kung gusto ng Letran na lumipat sa UAAP, tatanggapin iyon ng NCAA. Ang problema’y kung tatanggapin ng UAAP ang Letran dahil masisira naman ang schedule nito sa pagdadagdag ng miyembro. Ideal na kasi ang walong member schools sa isang liga.

Sa panig naman ng NCAA ay maraming naghihintay na makapasok. Maraming nagpapadala ng feelers na nais nilang maging miyembro ng NCAA pero hindi ito inaak-siyunan dahil nga ideal na ang walong miyembro.

So, sa puntong ito, nasa Letran ang kapasiyahan kung ano ang gusto nitong mangyari. Hindi naman pwedeng takutin ng isang eskwelahan ang isang buong liga, e.

Kung ikaw ay miyembro ng isang liga, dapat ay sumunod ka sa patakaran ng liga.

Kung ayaw sumunod ng isang miyembro, tsupi!

Show comments