Guiao at Red Bull abala sa paghahanda para sa Brunei

Doble kayod ang ginagawa ni Red Bull coach Yeng Guiao para masiguro na magiging competitive ang kanyang team sa kanilang pagtungo sa Brunei para sa Sultan’s Cup sa susunod na buwan.

At dahil off-season sa PBA, malugod na tinanggap ni Guiao ang ilang imbitasyon para maglaro ng exhibition matches ang Barakos para mapanatiling nasa tip-top condition ang team.

Sa Agosto 28 lalaro ang Red Bull kontra sa Talk N Text para sa exhibition game for a cause sa TSU gym sa Tarlac City.

Ang naturang engkuwentro, isang fund raising project ng Rotary Club ng Poblacion, Tarlac ay kaalinsabay ng pagdiriwang ng centennial anniversary ng Rotary International kung saan ang kikitain ay para sa benepisyo ng mga bulag na estudiyante ng Tarlac West Elementary School sa San Roque, Tarlac.

Ang Barakos at Phone Pals ay nagsimula ng magsanay para sa kanilang nalalapit na pagsali sa invitational tournament sa labas ng bansa.

Ang Red Bull kasama ang Purefoods TJ Hotdogs ay nakatakdang lumaban sa Sultan’s Cup sa Setyembre 18 hanggang Oktubre 2 habang ang Talk N Text naman ay sa Taipei.

Show comments