Ilang ulit na nasangga ni Tanamor ang mga atake ni Dostiev mula sa simula at ginamit nito ang kanyang mahabang bisig at mabilis na kamao para ikonekta ang mga solidong suntok sa ikaapat na round upang maiselyo ang tagumpay.
Nakalamang si Tanamor ng dalawang puntos sa unang round at tig-isa sa ikalawa at ikatlo bago nito tinambakan ang kalaban sa final round, 5-1.
"Nanibago ako," wika ng 27-gulang na si Tanamor na huling boxer na nag-qualify sa huling Asian eliminations sa Pakistan. "Masyado sigurong excited."
Sa katunayan, pinadugo ni Tanamor ang ilong ni Dostiev sa unang round sa pamamagitan ng malakas na left straight kaya bumagal ang Tajikistan pug.
"Maganda ang mga patama," ani dating Mayor Mel Lopez na tumutulong sa kampanya ng mga Pinoy dito dahil sa kanyang anak na si Manny na siyang president ng Amateur Boxing Association of the Philippines. "Maganda rin ang galaw at makikita mo na talagang confident siya."
Susunod na makakalaban ni Tanamor, gold medalist sa Vietnam SEA Games noong Disyembre, ang South Korean na si Hong Moo Won sa Sabado.
Ang isa pang Pinoy boxer na natitira ay ang light welterweight na si Romeo Brin na nakatakdang humarap kay Manus Boonjumnong ng Thailand kagabi.
Dalawang Pinoy ang maagang nasibak sina middleweight Christopher Camat at flyweight Violito Payla na hindi naging matagumpay sa kanilang unang asignatura.