Sinamantala ng CSJL Knights ang kulang sa line-up na UPHDS Altas para ilista ang ikatlong sunod na panalo at ikapito sa kanilang 10 laro upang manatili sa pangkalahatang pamumuno.
Siyam na players na nga lamang ang sumipot sa Perpetual, nalagasan pa ng isa nang ma-thrown-out si Dean Apor sa kaagahan ng ikatlong quarter.
Inabot ng kapaguran ang Altas sa ikaapat na quarter kaya di na nila nahabol ang 73-60 bentahe ng Knights na pinagtulong-tulungan nina Ronjay Enrile, Mark Andaya at John Paul Alcaraz, sanhi ng ikatlong sunod na kabiguan ng Altas at ikaapat sa 10-laro.
Nakisalo din ang San Sebastian College-Recoletos sa pamumuno matapos ang 72-67 panalo kontra sa Mapua Institute of Technology sa unang laro.
Nagtulong sina Leo Najorda at Red Vicente na kumamada ng 21 at 20 puntos, ayon sa pagka-kasunod upang pamanuan ang SSC-R Stags na humatak ng kanilang ikaapat na sunod na panalo para sa 7-3 record habang nalasap ng MIT Cardinals ang ikatlong dikit na kabiguan na nagbagsak sa kanila sa 5-5 record.
Nagtala ng double victiory ang San Sebastian matapos iposte ang 70-51 panalo ng Staglets (5-5) kontra sa MIT Red Robins (2-8) sa unang juniors games. (Ulat ni CVOchoa)