Ang Cardinals ang ikalawang biktima ng Dolphins matapos gulatin ang lider na Altas ng University of Perpetual Help Dalta System, 71-62 noong nakaraang Miyerkules.
"Magandang showing ito ng mga bata," sabi ni coach Loreto Tolentino, nag-coach na may sore eyes. "Hopefully, maging consistent kami going into the Final Four."
Bunga ng kanilang panalo, umangat ang Dolphins sa 5-4 win-loss slate katabla ang kanilang naging biktimang Mapua.
Makaraang angkinin ng Cardinals ang third period, 66-64, isang 14-5 blitz ang inilunsad ng Dolphins, kasama rito ang dalawang tres ni Mon Retaga, upang itarak ang 78-71 bentahe, 6:35 sa final canto.
Hindi pa rito natapos ang pagkamada ng tropa ni Tolentino.
Matapos ang basket ni Raymond Tiongco para sa 73-78 agwat ng Mapua, isang 11 bomba ang inihulog ng PCU, tampok ang isang two-handed slam ni Gabriel Espinas para sa kanilang 87-74 abante sa huling 2:05 sa tikada.
Humugot si Retaga ng 12 sa kanyang game-high 26 puntos sa fourth period para sa Dolphins, habang kumulekta naman si Erwin Sta. Maria ng 12 sa kanyang 22 markers sa third period sa panig ng Cardinals.
Sa ikalawang laro, nilapa ng San Beda Red Lions ang University of Perpetual Help Dalta System Altas sa iskor na 66-52.
Kumunekta si Arjun Cordero ng 14 puntos para sa Red Lions.