May kabuuang 40 fouls ang itinawag sa Team PBL habang 17 lamang ang sa kalabang Egypt kung saan lima sa sampung manlalarong ginamit ni coach Junel Baculi ay na-foul out. Ang Egypt ay may 28 puntos mula sa 41 freethrows attempt kumpara sa 8 mula sa 11 ng PBL Team.
Isang phantom basket ang ibinigay sa Egypt sa kaagahan ng laro at maraming bilang ng kinanang tres ng Pinoy ay binilang na two points lamang ngunit nanatiling matatag ang Team PBL sa laro hanggang sa huling apat na minuto ng third period nang bawasan ang double-digit na kalamangan ng Egypt sa apat na puntos lamang 49-45.
Tinawagan ng 5th foul si Cesar Catli, isa sa kamador ng PBL Team kahit na ito ay nakaupo lamang sa bench at walang makapagprotesta dahil pawang mga Egyptians ang nakaupo sa table officials na dapat ay para kay Chester Tolomia.
"No wonder Filipino teams which come here always seem to get involved in fights," ani Baculi. "They just ask us here to boost attendance (Nearly 70% of the crowd was Filipino) but dont give us a chance with the calls."
Gayunpaman, nasiyahan na rin si Baculi sa improvement ng Team PBL na hindi makapaglatag ng mahigpit na depensa sa ikaapat na quarter dahil sa kanilang foul trouble.
Kumana ng 13 puntos si Mark Macapagal para pamunuan ang Team PBL habang nag-ambag naman si Jon-Dan Salvador ng 10 puntos. Susunod na makakalaban ng Pinoy ang Jordanian National Team sa Lunes ng gabi sa kanilang classification round assignments.