Halos dinomina ng PCU Dolphins ang kanilang laban kontra sa UPHDS Altas na hinayaan lamang nilang makalapit ng hanggang tatlong puntos para maipreserba ang kanilang ikaapat na panalo at kalimutan ang dalawang sunod na kabiguan sa unang round.
Agad umabante ang Philippine Christian sa 21-12 sa unang canto na kanilang pinalobo sa 46-32 bentahe sa kalagitnaan ng ikatlong quarter.
Matapos itala ang anim na sunod na panalo sa unang round, hirap na hirap sa paghahabol ang Perpetual na nakalapit lamang sa 59-62 matapos ang basket ni Nonoy Javier, 1:36 minuto na lamang ang nalalabi sa laro.
Hanggang dito na lamang ang nagawang oposisyon ng Altas nang kumana si Jason Castro ng tres na sinundan ng drive ni Rob Sanz para sa mas komportableng kalamangan na 67-59, 58 segundo na lamang ang nasa orasan.
Sa ikalawang seniors game, sinakmal ng San Beda Red Lions ang MIT Cardinals, 79-73.
Sa unang laro, dinoble ng Baby Dolphins ang kasiyahan para sa PCU makaraang igupo ang Altalettes, 111-64. (Ulat ni CVOchoa)