Muling ni-renew ni Arroyo ang commitment ng kanyang foundation ngunit hinamon ang national athletes na gawin ang kanilang trabaho para makuha ang overall title sa 23rd SEA Games na muling iho-host ng bansa matapos ang 14 na taon.
"We have one year to do this. We dont want to finish fourth. With the Philippines as host, we have to finish first," hamon ni Arroyo sa harap ng sports officials na pinamumunuan nina Philippine Sports Commission chairman Eric Buhain at Philippine Olympic Committee president Celso Dayrit sa Bahay Pangarap sa Malacañang.
"Our target is to win 120 gold medals. Lets just do it," dagdag ng Presidential spouse na kilala ngayon sa local sports bilang "The Big Brother of Philippine Sports."
Noong nakaraang taon, nakalikom ang "Medalyang Ginto" project ng P22.4-million mula sa 22 corporations, kung saan nabenipisyuhan ang 85 athletes mula sa 17 sports na napiling potential medalists sa Vietnam SEA Games. At maganda naman ang naging resulta nang makuha ng mga athlete-beneficiaries ang 33 sa 49 golds na napagwagian ng delegasyon na pumang-apat.
Ngayong taon, mahigit 300 atleta na nakasama sa tinaguriang "Makabayan" batch ang inaasahang kukuha ng corporate godfathers para sa kanilang local training, medical at nutritional supplements, psychological at physiological reinforcement, state of the art sports supplies and equipment, at dagdag na exposure sa international sports competitions bago sumapit ang 2005 meet.