Patunayan sa sarili at sa eskuwelahan na kayang magtagumpay ang tanging nasa isip ng UPHDS Altas para bitbitin ang matayog na 6-1 karta papasok sa ikalawang round na magsisimula ngayon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Rizal Memorial Coliseum.
Tinapos ng Altas ang unang round na may anim na sunod na panalo matapos malasap ang tanging kabiguan kontra sa Jose Rizal University noong opening day (July 26), 72-61 at ngayon ay tinata-masa ang pangkalahatang pamumuno.
Sisimulan ng Altas ang kanilang kampanya sa ikalawang round sa kanilang tangkang ikapitong sunod na panalo sa pakikipagharap sa Philippine Christian University sa unang seniors game, dakong alas-2:00 ng hapon.
Pinasadsad ng Altas ang Dolphins sa 84-61 sa kanilang unang pagkikita noong July 28 at ito ang sisikaping maipaghiganti ng Philippine Christian para makabangon sa dalawang sunod na talo at makakalas sa three-way-logjam sa 3-4 win-loss record kasama ang San Sebastian College at Jose Rizal University.
Sa ikalawang seniors game, target naman ng Mapua Institute of Technology ang ikatlong sunod na tagumpay laban sa San Beda College sa dakong alas-4:00 ng hapon na posibleng mag-lagay sa Cardinals sa pakikisosyo sa liderato kung mabibigo ang Perpetual sa unang laro.
Ang Mapua ay nag-iingat ng 5-2 kartada sa ikalawang posisyon kasu-nod ang defending champion Colegio de San Juan de Letran at San Se-bastian College-Recoletos na tabla sa 4-3 win-loss record.
Sa juniors division, maghaharap naman ang PCU Baby Dolphins at UPHDS Altalletes sa pambungad na aksiyon sa ganap na alas-11:30 ng umaga habang ang SBC Red Cubs at ang MIT Red Robins ang magtatapos ng araw sa dakong alas-6:00 ng gabi. (Ulat ni Carmela Ochoa)