Ilang beses na niyang pinasok ang pagsaklolo ng amateur sports, lalo na ang basketbol, na hindi iniisip ang gastos.
Ang pinakahuli nito ay ang pagpapadala niya ng isang koponan sa Hong Kong para sa isang invitational tournament.
Subalit nakatawag ito ng pansin dahil pito sa mga manlalaro ay mula sa kanyang FedEx Express sa PBA.
"Wala pa kasing rule, kaya pwede pa," paliwanag ni Lina. Dagliang nagbalangkas ng bagong patakaran ang liga.
Sinimulan din ni Lina ang paghahanap ng mga matatangkad na batang maaaring bumuo ng Pambansang koponan sa kinabukasan, sa pamamagitan ng mga lagpas six feet ang taas pero mababa sa 18 ang edad. Subalit hindi pa gustong magbago ang mga coach sa mga paaralan.
"Mas effective kung nakinig ang mga coach natin," dagdag niya. "Pero may babaguhin pa kami dyan."
Binuhay din ni Lina ang Tour ng Pilipinas. Kung inyong magugunita, napilitang bitawan ng isponsor ang Tour nang ipagbawal ang mga patalastas ng alak at sigarilyo sa primetime sa TV.
Walang kurap na sinagip ni Lina ang karera, na halos tanging ikinabubuhay ng mga siklista natin.
Minsan, naitanong ko kay Lina kung bakit napalapit sa kanyang puso ang basketbol.
"Siguro, dahil puro babae ang mga anak ko," ngiti niya. "Kaya ngayon, parang isang dosena ang anak kong lalaki."
Anuman ang dahilan, laking pasasalamat ng sports sa Pilipinas, lalo na ang mga napabayaang atletang mistulang ulila.
Ngayon, may butihing amang mag-aaruga sa kanila.