JVC Open Badminton: Star-studded celebrity games humantong sa draws

Nauwi sa draws ang star-studded celebrity tournament ng JVC Open Badminton championships kung saan ang tambalang Kennevic Asuncion at Lloyd Escoses ay nakipaglaban sa Indonesian pair na sina Puri Setyo at Kwee Tek Ming, 17-16, 5-15, sa Glorietta Activity Center sa Makati City noong Linggo.

Nahati din ang laban nina PBA commissioner Noli Eala at Toby Claudio ng Toby’s Sports, kina actor Ricky Davao at Dennis Salud ng JVC 17-14, 9-15, draw; habang nakipag-draw naman sina Richard Gomez at ka-partner Paolo Bediones kina Anthony Suntay at Hanz Montenegro, 15-5, 14-17.

Umiskor naman ng 15-10, 15-4 panalo ang tambalan ng mga modelong sina Gem Padilla at Sara Jane Paez kina Maritoni Fernandez at Chiqui Roa habang walong pares pa ang humatak ng panalo sa pinaiksing laro na umabot na ng gabi.

Tinalo nina Karla Estrada at Gandong Cervantes sina Jennifer Esplana at Eala, 21-10; ginapi nina Patrick dela Rosa at Davao sina Emilio Garcia at Ian Veneracion, 21-17; nanaig naman sina Codie Moreno at Ipe Cruz kina Brad Turvey at Chico Garcia, 21-12; pinayuko nina Albee Benitez at Paez ang tambalan nina Patrick dela Rosa at Padilla, 21-7; iginupo nina Veneracion at Esplana ang Garcia-Estrada pair, 21-20; pinigil nina Davao at Cervantes ang Benitez-Eala tandem, 21-19; ginapi nina Moreno at Turvey ang Cruz-Garcia pair, 21-6; at isinara nina Suntay at Rosa ang naturang event sa pamamagitan ng 21-8 panalo kontra sa Fernandez-Montenegro tandem.

Show comments