Kikitain ng All-Star para sa Player's Trust Fund

Kailangang malaki ang kitain ng PBA sa All-Star game na idaraos sa Cebu Coliseum sa Cebu City.

Ang lahat ng proceeds sa North versus South match ay mapupunta sa Players Trust Fund kung saan nakikinabang ang mga anak ng players.

Sa Players Trust Fund nanggagaling ang pantustos ng mga PBA players sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

Ngunit plano ni PBA Commissioner Noli Eala na isama ang mga coaches at team staff na maging benificiaries ng Player Trust Fund.

Base sa alituntunin ng PBA, ang lahat ng players ay maaaring makinabang sa Players Trust Fund depende kung gaano sila katagal naglaro sa PBA.

Inaasahang malaking halaga ang maidadagdag sa pondo ng mga players sa pagdaraos ng North versus South match sa Agosto 15 sa Cebu Coliseum, ang main event ng All-Star Week na idaraos sa Cebu City.

Ang North team ni Red Bull coach Yeng Guiao ay pangungunahan ni Rommel Adducul, Vergel Meneses, Paul Artadi, Olsen Racela at Kenneth Du-remdes habang ang South squad na mamanduhan ni Talk N Text coach Joel Banal ay babanderahan naman nina Eric Menk, Asi Taulava, Jimmy Alapag, James Yap at Rich Alvarez.

Mayroon ding skills competition: ang three-point shot, slam dunk, obstacle at ang bagong event na trick shot kung saan ang eliminations ay sa August 13 at ang finals ay bago ganapin ang North-South game.

Sa di inaasahang pagkakataon, di masisilayan ng mga Cebuanos ang kanilang kababayang si Jimwell Torion ng Red Bull na magse-serve ng kanyang suspension bukod pa sa three-game suspension sa regular season na magsisimula sa Oktubre dahil sa kanyang huling infraction laban kay Torraye Braggs sa finals ng Ginebra-Red Bull sa nakaraang Fiesta Cup na pinagharian ng Gin Kings.

Binigyan na si Torion, mayroon nang apat na asunto sa PBA, ng warning ni Eala kaya inaasahang mabigat na kaparusahan na ang kanyang matatanggap sa kanyang ikalimang asunto.(Ulat ni CVOchoa)

Show comments