Magtutungo sa mayamang bansa ng Brunei ang Grand Matador PBA Fiesta Cup second runner up na Red Bull at Purefoods TJ Hotdogs upang handugan ng kapana-panabik na laban ang naturang bansa na nagdiriwang ng ika-36th ani-bersaryo sa pagpuputong ng korona kay Sultan Haji Hassanal Boolkiah Muizzaddin Waddaulad.
Unang plano ang pag-imbita ng apat na PBA teams para sa isang mini-tournament ngunit dahil sa kakulangan ng oras at ibang schedules ng PBA ay hindi ito natuloy.
Ibabalik ng Purefoods at Red Bull ang klasiko nilang laban noong nakaraang kumperensiya kung saan umabot sa overtime ang kanilang engkuwentro.
Sa unang nilang pagtatagpo noong Abril 14, nanaig ang Barakos, 94-90 sa extra period habang noong May 22 naman naulit ito ng Red Bull sa triple overtime 141-138 sa isa sa pinakamahabang laro sa kasaysayan ng PBA na ginanap sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Pagkatapos ng laban na iyon, kapwa binatikos nina coach Ryan Gregorio at Yeng Guiao ang referees at pahayag laban sa mga opisyal na naging resulta ng pagmumulta nila.
Ang bayaw ni Gregorio na si Jaime Ramos Ascalon ang 3rd secretary at vice-consul ng Philippine Embassy sa Brunei sa ilalim ni Ambassador Virginia Benavidez. (Ulat ni ACZaldivar)