Bumangon si Kenevic Asuncion mula sa first set na kabiguan upang dominahin ang dalawang huling frames at wakasan ang pananalasa ni Lloyd Escoses, 15-17, 15-4, 15-7 at masungkit ang mens crown.
Kung nahirapan si Kennevic, naging maaliwalas naman ang daan para kay Kennie Asuncion para mapanatili ang kanyang korona nang ilampaso nito si Irene Chiu, 11-3, 11-0 para sa kanyang ikaapat na titulo sa taunang event na ito na itinataguyod ng JVC. Ang magkapatid na Asuncion ay nagbulsa ng halagang P15,000 at JVC DVD cinema system at karagdagang Technomarine watches, Gosen rackets, Rudy Project shades at gift items mula sa Alaska, Colours, Bachus, Tobys at Lactacyd para kay Kennie.
Sa kabilang dako, nagpakakatag ang AB Leisure sa kanilang laban sa Star sa kanilang makapigil-hiningang bakbakan para sa korona makaraang magwagi sa ladies at mens doubles sa pamamagitan ng kapana-panabik na three setters.
Bumangon mula sa unang set na kabiguan sina Pauline Santiago at Elaine Lao para bawian ang Star tandem nina Analyn Delgado at Anna Filamor tungo sa 14-17, 15-12, 15-11 sa ladies doubles.
Pinigil din ng tamba-ang Ricky Morales at Albee Benitez ang mag-katambal na sina Miguel Belmonte at Chester Cordero, 15-10, 10-15, 15-7, upang magwagi sa mens doubles at iselyo ang titulo.
Yumuko sa unang set 15-10, hindi nawalan ng pag-asa ang Star duo nang mula sa 8-4 pagkakabaon sa ikalawang set ay nagrally ito at maagaw ang trangko sa 10-8 tungo sa 15-10 panalo para itakda ang deciding third set na kinuha naman ng AB Leisure tungo sa pagkopo ng korona at premyong P30,000.
Sa juniors division, tinalo ni Karyn Velez si Raquel Guerrero, 11-9, 11-9.