Ito ang ikinababahala ni Sta. Lucia Realty mentor Alfrancis Chua nang maging panauhin ito kahapon sa lingguhang sports forum ng SCOOP Sa Kamayan sa Padre Fuara.
Ang Sta. Lucia na sariwa pa sa kanilang kontrobersiyal na matagumpay na paglahok sa Goodwill Games sa Bahrain ay mayroong pitong players na ang kontrata ay matatapos bago magbukas ang All-Filipino Cup sa October.
Sa katunayan, ang All-Filipino Cup ay orihinal na nagsisimula sa kaagahan ng buwan ng Pebrero, ngunit nagdesisyon ang PBA manage-ment na iimplementa ang bagong schedule upang maiwasan ang pagkakaroon ng kumplikasyon sa collegiate basketball league gaya ng University Athletic Association of the Philippines at National Collegiate Athletic Association at iba pang international events.
"Actually yan kaagad yung concern nung nagkaroon ng change sa schedule kasi maraming players ko ang mag-e-expire kaya tinanong ko kaagad yan sa management," wika ni Chua na siyang nanguna sa Realtors sa kampeonato kontra sa Bahrain national squad sa second Bahrain-Philippines Goodwill Games sa Juffair Dome ilang linggo pa lamang ang nakakalipas.
Sinabi pa ni Chua na maaaring maresolba ang naturang problema kung ang mga team owners o maging ang PBA mismo ay magpa-palabas ng kautusan na ang lahat ng kontrata ng mga pasong players ay kanilang papalawigin pa hanggang sa katapusan ng tournament.
"I think its up to the management what they gonna decided but on the safe side of the players mas maganda siguro kung tapusin na lang muna nila yung conference na ito," pahayag pa ni Chua.
Kabilang sa mga mapapasong kontrata ng mga players ni Chua ay kinabibilangan nina Gerald Francisco, Wilmer Ong, Chris Tan, Francisco Adriano, Chito Victolero, Noli Locsin at Rafael Paeng Santos.